Thursday, September 26, 2013

" Guni-guni "

Kay sarap damhin ng sariwang hangin
ang hampas ng alon sa may baybayin,
hating-gabi na antok hindi pa maapuhap
marahil lango sa kapayapaang nalalasap.

Mga bituwin sa langit animo alitaptap
diwa'y nilalaro tinatangay sa alapaap,
paligid anong tiim walang namamasid
matang namamanglaw nais ng puminid.

Ang sinag ng buwan sa dagat nakapukol
wari'y nakamasid sa mahal nyang sanggol,
sa sandaling iyon ay mistula akong paslit
suliranin at kahungkagan tila ay nawaglit.

Pag-kahimbing ay hindi ko na namalayan
uri ng tulog na nuon ko lamang naranasan,
sanlaksang pag-asa aking napanaginipan
kapayapaa't kaginhawaan ng ating bayan.

Nagkakaunawaan ang bawat mamamayan
problema'y pinaguusapan at sinusulusyunan,
pagmamalasakit sa kapwa na walang kapalit
pagmamahala't kapatawaran ay sumasagitsit.

Biglang nag-apoy pakiramdam ko'y nagliyab
sinag ng araw sa bintana sa mata'y humukab,
naghihinayang bumangon na pungas-pungas
guni-guning imahen sambit sana ay mamalas.

Tuesday, September 24, 2013

" Panakip-butas "

Tama ba namang huwag ng pasiputin?
bida sa kaso sa korte ayaw paratingin,
dahil ilan sa uusig na mga mahestrado
pangalan ay  sabit  sa nasabing akusado.

Sumuko nga at ngayoy nasa kulungan
ngunit tila wala naman balak kasuhan,
sari;saring argumento ang ipinalalabas
mga pagmamani-obra ng ilang pantas.

Kundangan kasi meron na ngang kumite
bakit ang ombudsman tila ay nanunurete,
hahawak sa imbestigasyon ay sino nga ba?
sa kupad ninyo mga kasabwat tumakas na.

Taktikang anung husay na sadyang-sadya
mga rebeldeng kuno'y biglang nang gyera,
bayarang bandido misyo'y maghasik ng gulo
nang balita nga ay malihis at maibaling dito.

Kawawang mga kababayan duon sa probinsya
nadamay sa gulong pakana ng pera at pulitika,
mga pasimuno hayun ang mga lintek nakaprente
kunway papagitan kamukat tatakbong presidente.

Hayan pa at tila nababanas na ang kalikasan
habagat palang lubog na sa baha ang bayan,
daming naitala natapos ,nagawang mga daan
subalit multo lamang na maraming pinayaman.

Ang utak ng anomalya ngayon nga ay isinasakdal
ngunit parang telenobela sankatutak ang komersyal,
usad pagong ang pagdinig sa saksi at mga ebidensya
malamang abutin na naman tayo ng susunod na sona.










Monday, September 16, 2013

" Kwarentaydos "

Pang-apatnaput dalawang taong kaarawan
dating patpatin ngayo'y bolang nahanginan,
bakas nga minsan naiiling pag nananalamin
kulay alipatong buhok ay mayroon ng abuhin.

Panaho'y 'dinamalay sa sobrang pagka-abala
kahapo'y tila almusal ngayo'y tanghalian na,
dami ng nalilimutan kahit kapangyayari palang
buti na lang nakatala araw ng aking pagsilang.

Maging pintor nais nuong ako'y paslit
maipinta anyo ng buwan na sakdal rikit,
nais rin makapag suot ng isang itim na abito
isang Pari na nagtataboy ng multo at demonyo.

Laruang Voltes Five 'di ko man lang nahipo
kababata kong mayroon maglaro ay patago,
mapanood man sa T.V. sa bintana o pintuan
kababata kong kay damot kami ay sasarhan.

Nabato ni Mam ng ereyser nung ako'y Grade Two
dahil dinakikinig nakikipagdaldalan sa katabi ko,
Grade Six inuntog ni Sir sa pisara ng kami'y abutan
nahuling nag-babatuhan habang nag-sisigawan.

Binasted ng unang nililigawan noong hayskul
kundangan kasi taghiyawat ko ay bukol-bukol,
hindi nakapagpa-piktyur nung kami'y magtapos
gupit ko kasi ay kaysagwa na parang natipos.

Ilang beses umibig meron din naman napasagot
ngunit dinagtatagal sa akin yata ay nababagot,
hanggang sa nakilala ang akin ngayong Esposa
awa ng Diyos dose taon na kaming nagsasama.

Dalawang supling marikit na ubod ng lambing
bahay laging makalat parang binagyo ni Huling,
nakaraang pasko kami'y nagno Noche Buena
wala sa loob nahiling anak sana'y makaisa pa.

Ako ay nagdilang anghel bulong nga ay nangyari
heto't amin inaantay paglabas ng bagong beybi,
salamat Diyos ko sa ipinagkaloob mong buhay
sa lahat ng biyaya at matiwasay na pamumuhay.

Nawa'y pagpalain pa sampu ng aking pamilya
maayos na kalusugan at malayo sa disgrasya,
paa ko ay hahakbang sa panibagong bukas
papuri ay sa iyo ngayon at hanggang wakas.

Thursday, September 12, 2013

" Dibersyon "

Nahuli na at lahat ay hindi pa rin makasuhan
anong sistema meron ang ating tinalampakan,
imbestigasyon ay wala na naman patutunguhan
parang napanood ko na resultang kalalabasan.

Busawang mga baboy at buwakaw na buwaya
kasabwat ng salarin ngayo'y may mga amnesya,
parang mga ponsyo pilatong naghuhugas kamay
sa naganap na kurakutan wala daw silang malay.

Halos isang linggo na mula ng kusang sumuko
ano na ba ang ikinaso sa nasabing akusado?
kumpara sa mga yagit na magnanakaw na nahuli
bago makarating sa presinto dadanas na ng gulpi.

Sari-saring mga balita bigla ang nag salimbayan
isyung sapantaha ko'y upang malihis ang usapan,
paglabas ng kalaswaan ng sikat na komedyante
sinundan ng pagaalboroto kuno ng mga rebelde.

Uso na naman ang martsa bariles ipinoprotesta
pagkatapos sa bagumbayan itutuloy daw sa edsa,
mga artista at politiko syempre pupunta at dadalo
mga eletista sa mahihirap kunyari ay makikihalubilo.

Sisigawan na naman ng huwag matakot makibaka
magbuhol buhol ang trapik at magkakalat sa kalsada,
ilang ulit na ba ang ganitong pagtitpon at kaganapan
inaaapakan sa susunod sila na ang maghahari-harian.

Patuloy ang pagsadsad ng halaga ng ating piso
dolyares ng bansa'y tangay na yata ng mga bandido.
mga propesyunal dadagdagan na daw ang buwis
sinong magpapasan kundi ang mga anak pawis.

Patuloy na magdadanas ng hirap ang Pilipinas
habang andyaan ang talipandas na mga pantas.
sakali man itong moro-moro'y walang kahinatnan
Diyos na magpapanagot sa kanilang kagahaman.

Friday, September 6, 2013

" Aking Hirang "

Oh Aking Hirang baranggay kong dinarangal
umunlad at umayos ang aking laging dinarasal.
Muli ay kaming maghahalal ng mga kinatawan
mailuklok nawa namin ay matitinong kababayan.

Mangyari po sana huwag ng maibalik sa trono
mga talipandas at tiwaling inugatang kandidato.
Ngunit kamag-anak at kakilala nila ay kay dami
napupurbetsuhan,naaambunan ng kanilang ani.

Magliwanag sana ang naguguluhiminang isipan
mapagmuni-muni kung sinong tunay na maaasahan.
Maglubay na tayo sa nakasanayan at nakagisnan
pairalin na ang tamang pagpili ng manunungkulan.

Sawa na sa kapapakinig ng matatamis na pangako
talumpating kinabisado mula pa nung unang termino.
Garapal kung maglustay ng pondo ang mga unggoy
humigit-kumulang matagal na tayong dinedenggoy.

Ilang taon gawa ay manguyakoy at mangalumbaba
nganga sa mga isyu at pangangailangan ng madla.
Tagapagligkod ng bayan na laging nasa lamyerdahan
sangkot pa ang ilan sa bisyong ngayo'y kinagigiliwan.

Nakakapang hinayang ang mga taon na napaparam
kawaning pinagkakatiwalaan sahod lang ang inaasam.
Pagtupad ng mga tungkulin tila wala sa mga bokabularyo
puntirya'y laging manalo upang tuloy-tuloy ang kapritso.

Oh Aking Hirang hangad namin ay isang pamayanan
mga matitinong mamumuno na kami ay paglilingkuran.
Bawat isa nawa'y gamitin sa pagboto ang puso at isipan
karapat-dapat ay ihalal huwag ang mga lumang basahan.

Sunday, August 4, 2013

" Balintataw "

Pansamantalang panulat ay isinantabi
namahingang saglit ngunit 'di mapakali
Balintataw ko kasi ay biglang umapaw
bagay-bagay sa isipan ay nagsidungaw.

Ngunit ako'y napatda ng ako'y magsimula
sanlaksang paksa ano't biglang nangawala.
sinibukang utayin nagsalimbayan sa isipan
mga gunitang paksa laman ay katanungan?

Sadyang nakakabwiset ang kanilang binubusa
malinis daw at wala anuman silang naibubulsa.
nais daw nilang linisin ang mga pinaghaharian
panong mahahawan nakaharang sila sa daan?

Nagbubulagbulagan o may kulabang taglay
tengang kawali nga silang mga nakaantabay.
kundangan kasi kahit lumalabag na sa batas
padrinong pantas saklolo ng mga talipandas.

Garapalang pandarambong ng mga damuho
lalo pang pinag-iigting ng kanilang mga anito.
kapartido,kamag-anak,kumpare't mga kaibigan
taga suportang  kasabwat sa mga katiwaliaan.

Pinangangalandakan pagbabago at kaunlaran
bakit tila ang mahihirap ay hindi ito maramdaman.
mga suwapang na kapitalista lamang nabibiyayaan
mangagawa'y hilahod sa barya-baryang kabuhayan.

Patuloy lang yumayaman ang mga mayayaman
habang maralita'y daus-os sa balon ng kahirapan.
mga pantas na gutom sa kabang yaman ng bayan
kailan mabubusog at pag-nanakaw ay lulubayan?






Thursday, May 2, 2013

" Kumplikadong Mundo "

Lubhang nakakabahala ang mga kaganapan
mundo ay nabalot na ng karahasan at hidwaan.
maraming kababaihan ang biktima ng kahalayan
kaparehong kasarian ngayon maaari ng pakasalan.

Patuloy ang paglaganap ng gawaing terorismo
pulitika at relihiyon ang pinagsamang motibo.
nauuso ang pagdukot pagkawala ng mga bata
lamang loob ang pakay na kanilang ibebenta.

Mga puno sa bundok maging sa kagubatan
unti-unti ng nauubos bunga ng kagahaman.
usok ng mga pabrika sa hangin ay lumalason
pati ang kemikal na toksik sa ilog itinatapon.

Kasabay ng pag-unlad ng siyensya't lipunan
kultura't kaugalian kasabay na rin napalitan.
pagkapalaw idinadaan ang pagkamakabayan
ngunit ang pakikipagkapwa ay hindi masilayan

Puro pansariling kapakanan at kapakinabangan
namamayani sa ating makamundong katauhan.
yumayabong yumayaman palalong mga pantas
kapangyarihay ginagamit pagmanipula ng batas.

Kabataa'y humaling sa makabagong teknolihiya
patuloy sa pagtuklas ng modernong idolehiya.
indastrilasyo'y tinabunan mga bukid na sakahan
dahilan kung kaya't palay ay wala ng pagtaniman.

Populasyon,aborsyon,demolisyon,rebolusyon
sibilisasyon,globalisasyon,polusyon,kurapsyon.
kahibangan,kapabayaan,kayabangan,kapahamakan
sa kumplikadong daigdig na ating ginagalawan .

Tuesday, April 30, 2013

" Kabuluhan? "

Minsan parang bang ayoko ng sumulat ng tula
akdang mga nagawa ay wala namang napapala.
ilan lang nga ba ang nakagusto't sumang-ayon
marahil di nila maarok ang nilalaman at layon?

Hangarin maipahayag ang pansariling opinyon
sa kaganapan at pangyayari dito sa ating nasyon.
ngunit ako'y tila bubwit sa larangang nakahiligan
makapukaw man ng pansin ay may kadalangan.

Malimit husgahan gawa ay may kababawan
tugma ang salita ngunit walang kapararakan.
madalas masabihan na pulos lang kapaitan
paninibugho at siphayo ang laman ng isipan.

Abang lingkod ay hindi po nakikipagpaligsahan
at lalong walang balak na makipag-balagtasan.
katiting na kaalaman ay wala pa sa kalingkingan
ng mga makatang nauna sa ganitong larangan.

Gayunpaman sa paghabi ay hindi maglulubay
magsulat ng tula ay siyang ligaya ko ng tunay.
hindi sinasadya ang makasaling ng damdamin
itama lang ang mali ang aking tanging hangarin.

Darating din ang araw tula ko ay tatangkilikin
hindi na magmamakaawa na inyong basahin.
marahil sa ngayon hindi niyo batid ang kabuluhan
hari nawa'y pagkamakata inyo din masumpungan.






.


Tuesday, April 23, 2013

" Piso

Tuluyan ng lumiit maging kanyang anyo
ano na nga bang nangyari sa ating piso?
bida ng nakaupo halaga nya'y umaangat
presyo naman ng bilihin kasabay pag sikad.

Saan ba ngayon aabot ang ating baryang piso
ano pa mabibili sa may akda ng "El Filibustirismo"?
marahil kahit paslit iyong bigyan ay di masisiyahan
sapagkat isang kendi lang mabibili niya sa tindahan.

Pamasahe sa dyipni at bus ay patuloy sa paglarga
dahil di masawata pagmahal ng krudo at gasolina.
sabay-sabay halos sila kung mag atas ng pagtaas
ngunit sandaling bumaba ay hindi naman kinakaltas.

Mag-bobote swerte na kung kumita ng singkwenta
bigas at ulam kailangan milagro upang mapagkasya.
tubig at asin na lamang ang idildil nilang pang-ulam
madalas gabi'y itutulog na lang na ang tiyan ay kalam.

Kaya kung tatanungin kung anong halaga ng piso?
para sa maralitang hikahos ito ay makinang na ginto.
baryang hindi na pinapansin ng ibang mayayaman
dahil di nila nararanasan matulog ng walang hapunan.

Sana ang paglulustay natin sa walang kwentang bagay
sa kababayang mga kapus-palad natin na lamang ibigay.
mga pisong barya sa bulsa nakaumbok ika'y nayayamot
mga nanlilimos sa lansangan sa kanila na lamang iabot.

Laging ngang alalahanin hindi mabubuo ang isang daan
kung kulang ng piso ito ay siyamnapu't -siyam lamang.
gaano man karampot ang halaga ng aba nating piso
mainam na kaysa wala wag na tayong mag-alboroto.


Monday, April 22, 2013

" Langgam "

Habang tag-araw sila'y matiyagang nagiimbak
pagkain para sa tag-ulan ay kanilang tinitiyak.
pagkakataon sinasamantala upang makalikom
upang ng sa gayon di magdadanas magutom.

Maging sa paglalakad kakikitaan ng disiplina
kahit magkabunguan hindi nababali ang pila.
may balakid o hadlang sa kanilang nilalakaran
tuloy sa paghakbang walang bahid alinlangan.

Dahil ang kanilang pananaw ay nagkakaisa
bawat isa'y nagsisikap di pinilit at may kusa.
bagyo man ang dumating ay di mababahala
sila ay may kakainin hanggang ulan ay tumila.

Napakasimpleng sistema ngunit kumplikado
sapagkat ang Langgam ay ibang-iba sa tao.
kasabihang " ubos biyaya bukas tutunganga"
kaugaliang animo ulan di na yata maghuhupa.

Kinabukasan laging pinagwawalang bahala
kaginhawaan ay inaasa palagi kay Bathala.
pag gipit kahit saang patubuan na lang lilimlim
utang ay tila baha hanggang leeg na ang lalim.

Minsan ay mainam Langgam ay pamarisan
pagka-masinop at disiplina nila ay tularan.
isang matandang kasabihan atin ng nalimot
"kapag may isinuksok ay may mabubunot"

Monday, April 8, 2013

" Lason "

Ang pagbabago ay hindi makukumpleto
kung lagi pa ring nakatabi sa'yo ang bisyo.
nakasama,nakahiligan ay iyo ng iwasan
sapagkat muli kang maaakit na ito'y balikan.

Alam mo naman na ikaw ay masasaktan
ngunit tila manhid ang iyong pakiramdam.
nang-aabuso pisikal,mental o ispirituwal
huwag ng lunukin mandin iyo ng iluwal.

Sinasaklawan at pilit kang minamanduhan
kinokontrol hinahawakan ang iyong isipan.
mga taong tila lagi sa kwelyo mo'y nakadakot
iyong salungatin,paglaban ay huwag ikatakot.

Umaasa sa bigay na parang mga kuto sa ulo
alam lang gawin ang manghingi at mang-uto.
taong walang kapansanan nag aastang inutil
parang anay ika'y uubusin paghindi mo nasupil.

Nagmumulamod sa mga kinasasadlakang buhay
pagmamaktol,reklamo lagi ang kanilang dighay.
kapag iyong nakausap awa ay wag mong bigyan
mababatobalani ka lamang at kanilang hahawaan.

Pag-iwas sa nga sa Lason ay napakahirap gawin
lalo na kung tayo rin mismo ang siyang salarin.
hingan ng tapat na puna malalapit mong kaibigan
kung "Oo" at mayroon man ay iyo ng maaagapan.

Friday, April 5, 2013

" Bariles "

Ano ba ang napoporbetso pag ika'y pulitiko?
hindi naman kalakihan ang kanilang sweldo.
kay daming taong naghahangad makapwesto?
naka abang kasi ang Bariles sa mga mananalo.

Mantakin mo nga naman pagkanilang nasakmal
bawi na ang nagastos tubo pa ay  sandamukal.
pinagsama-samang buwis ng bawat isang Juan
buwaya't buwitreng nanalo ito ay pagpapasasaan.

Kailangan ba talaga nating ang kanilang presensya?
silang hangal na naihalalal na mga walang kunsensya.
tayo ang nag-tanim,umani,nagbayo,nagsaing at naghain
mga magnanakaw lang ang kakain pati mumo'y sisimutin.

Ilang kabanata na ba mula ng mag-sipag martsa
masa akala'y nakamit na kalayaan at demokrasya.
nagtanggol api-apihan nuon sila na ang talampasan
ngayon sa atin ay nagbabaon sa hikahos at kahihiyan.

Mabalik tayo sa Bariles na sakdal dilag at piho
proyektong tila multo pati dagat gustong ipaispalto.
lubak-lubak na daan, esterong wala daw dinadaluyan
halagang iuukol dito kinangkong na ng mga gahaman.

Ipinangangalandakan maaari na naman daw umutang
tsk! tsk! may bago na naman silang paghahati-hatian.
hanggat ang  Bariles ay nasa kamay ng mga kawatan
Inang Bayan ay patuloy na magdaranas ng kahirapan








Friday, March 29, 2013

" Siete De Palabras "

"Ama ko, Ama ko patawarin mo sila
hindi nila alam kanilang ginagawa.
ito ang pagpapatawad niyang salita
sa mga paulit-ulit nating pagkakasala.

"Sinasabi ko sa iyo: Isasama kita sa paraiso"
magnanakaw na Dimas ay dili iba kundi tayo.
ito ang salitang pangako ng ating kaligtasan
siyang nag-iisang tagapagligtas ng sanlibutan.

Sinabi nya "Babae,narito ang iyong anak...
at sinabi nya sa alagad ..Narito ang iyong ina!
habiling nag-tatangi sa isang kapatid at ina
halimbawang pagtanggap ng tao sa bawat isa.

"Eli, Eli, lema sabachthani? na ang kahulugan
Diyos ko, Diyos ko bakit mo ko pinabayaan?
ang wika ng pag-iwan puspos ng dalamhati
bakit ang tao sa pagkabigo siya ang sinsisi?

"Nauuhaw ako!"...nais niyang ipaaalam
sakit,gutom at uhaw siya'y nakararamdam.
subalit mas uhaw siya sa pangunawa ng tao
mapagmatigas ngunit marupok sa tawag ng tukso.

"Naganap na!"...at nalagot kanyang hininga
pagwawakas ng buhay niya sa balat ng lupa.
nangyari na ang katuparan ng mga kasulatan
kamatayan niya ang tutubos sa sala ng sanlibutan.

" Ama, sa mga kamay mo'y ihahabilin ang aking Espiritu!"
ang huling salita ng muling pag-iisa ng Diyos at ni Kristo.
sa kanyang pag-akyat muling pag-upo sa piling ng Ama
sangkatauha'y naligtas sa paghuhukom at pagkawala.

Sunday, March 24, 2013

" Balita "

Babaeng hitad muli na nama'y kinasangkapan.
para mailihis mailigaw ang isyung kasalukuyan.
napakahusay mag-inarte nitong kapatid ni kuya
animo ulirang inang at may pa resayn resayn pa.

Nilalansi at nililiibang na naman ang bayan
kapabayaan pagkukulang dinaan sa dramahan.
nagdaralitang mamamayan anong paki-alam
uunahin pa ba yan kaysa tiyan na kumakalam?

Patuloy lang sa paglubid ng kasinungalingan
mga inimbentong kwento upang mapag-usapan.
sambayanan manhid na yata sa kawalanghiyaan
tila tele-nobela na lang kanilang tinutunghayan.

Pag-asa'y marka na lamang ng isang sigarilyo
maari lang makita ng may kayang bumili pa nito.
tatlong taon pa daw maghahasik ng kabalbalan
kawawang Mindanaw tiis tiis muna sa kadiliman.

Ngunit kahit ano yata ang pag-pukol sa kanila
pahaging na ang iba talagang inaasinta na sila.
talagang hindi matinag bagkus lalong sumisidhi
bulag,pipi at bingi sa kapakanan ng nakakarami.

Nasa atin daw mga boto nakasalalay ang bukas
pano kung botante naabutan na ng pera at bigas?
ganitong mga  eksena ay bentang benta sa masa
kay daming mauuto lalo't artista ang nakabandera.

Saan nga ba papunta ganun pa rin ba ang rota?
diretsong daan daw mga boss sabi ng nasa manibela.
kay tagal ng bumabyahe bansa tila di naman umuusad
kundangan puro paatras laman ng kukoteng may sayad.







Wednesday, March 20, 2013

" Maala-ala Sana "

Ang aking lipi tawag nga'y kayumanggi
may kasarinlan at gandang bukod tangi.
dungisan ibilad man ng ilan sa kahihiyan
hindi ko itatatwa ang mahal kong bayan.

Dito ako isinilang ito rin ang hihimlayan
lupang Ipinangakong pinagkakapitagan.
saan man dalhin ng tadhana't kapalaran
siya'y aking pugad laging babalikbalikan.

Samut-saring trahedya't mga kaganapan
ating Inang bayan dinatnan at panawan,
kinang 'di natitinag lalong tumitingkad
alab ng puso sa diddib bumubukadkad.

Piling lahi kumpara sa mga kalapit bansa
bantog sa katangian at husay makisama,
pinong manalita kausap man ay banyaga
duguin man ang ilong sa ingles na wika.

Kulang sa sukat puwing tingin ng lahat
kayang pumantay kahit sa mga Golayat,
angking kagalingan saan mang aspeto
sa isport o sining tinitingala't nirerespeto.

Patuloy na aalayan 'di man karangalan
ibinabatong putik ay aming huhugasan.
kayong ikinahihiya kanyang kalagayan
maalala sana ang "Panatang Makabayan".




Tuesday, March 19, 2013

" Iskolar "

Makatapos ng hayskul nais sanang mag kolehiyo
problema ang matrikula wala kaming pang sustento,
hindi rin pwedeng iskolar kard grado'y 'di kataasan
drayber si Itay karampot ang kita wala pa nga minsan.

Pahinga Muna Anak alma mater naming mga salat
sa katalinuhan, salapi at sabihin na nating sa lahat,
kabataang pangarap makapag tapos ng pag-aaral
ngunit 'di mabiyayaan tambay muna pansamantagal.

Pag ika'y Suma o Magna pasok sa Iskolar ng Bayan 
para daw sa mahihirap ngunit meron din mayaman,
istudyanteng hikahos hindi naman lahat naaahoro
kayat hirap pa rin itaguyod mga kinukuhang kurso.

Ang ila'y napipilitan humanap ng pagkakakitaan
weyter,dyanitor at kung ano anong mapapasukan,
tunay na Iskolar kasi problemay sinusulusyunan
hinding hindi mag-iisip sariling buhay ay wakasan.

Nakakalungkot lang minsan sa sobrang karunungan
napapasali sa makabayan kuno't welgistang samahan,
umaasang magulang giginhawa kapag nakapagtapos
inaasahang Iskolar iba na ang katuwirang niyayapos.

Demonstrasyon nga ba ang paraan upang mapakinggan
kailangan pa bang manakot magsunog ng bangkuan?
ganyan rin siguro inaasal sa loob ng inyong tahanan?
magulang na pinagkakautangan pilit niyong dinidiktahan.

Ani Gat. Jose Rizal kabataa'y pag-asa ng bayan
kung dunong ay ginagamit sa tamang paraan,
kahirapa'y di malulunasan ng protesta't karahasan
bagkus magsumikap tama na ang sisihan at turuan.






Monday, March 18, 2013

" Pamana"

Nag-simula sa ninuno hanggang sa ka apo-apuhan
nuon at kasalukuyan sila pa rin ang nanunungkulan,
hindi na yata mababago ang ganitong kalakaran
ipinamamana na lang ang taglay na kapangyarihan.

Pinamanahang walang alam sa paninilbihan
kung hindi ang mangamkam at mag-payaman,
proteksyunan ang negosyo at mga ari-arian
magpasasa sa buwis ng bawat mamayan.

Makikita lang sila kapag malapit na ang botohan
palad ng mahihirap kinakamayan at inaabutan,
supot ang laman bigas,asukal,noodles at kape
ito ang pangumbinsi sa mang-mang na botante.

Nangakong ipapasarado mga pasugalan
paanong ipatitigil eh kanila ang pondahan?
bawal na gamot mga tulak kanilang ikukulong
imposible dahil nakatira sila sa iisang bubong.

Pakisama't utang na loob na tila walang katapusan
tatak ng Pinoy kaugaliang atin ngang nakasanayan,
at patuloy nga na magdaralita ang mga mahihirap
hanggat pamumuno nila ang tinatangkilik at yakap.

Kailan mapapatid kadena ng nakamulatang kultura
paghahalinhinan ng magkakamag-anak sa pulitika?
marahil suntok sa buwan kung ating ngang iisipin
aba malay din natin paiba-iba ang ihip ng hangin.



Sunday, March 17, 2013

" Medikal "

Ako ay banas tuwing mag-memedikal
dito kasi sa Pinas tila ay napaka-brutal,
halos isang araw din ang iyong ilalaan
pag minalas babalik ka pa kinabukasan.

Nakaraang gabi huling kain ay hapunan
gutom muna tiisin dugo kasi ay kukuhanan,
imbes na kumain ako ay tila nag-alinlangan
pahaba na ang pila dami ng nagdadatingan.

Kayat ako'y pumasok sa eksaminan ng mata
dahil sa puyat at gutom lagpak ang resulta,
ilang ulit kasi pinabasa mga letra sa salamin
aking paningin parang may munting buhangin.

Testingan ng tenga sunod na pinasukan
kahit anong tunog wala akong nahimigan,
kundangan nga kasi napaka ingay sa labas
mga busina ng dyip dinig kong napakalakas.

Iiling-iling lumakad papunta sa dentista
aking tatlong ipin kailangan daw maipasta,
mabuti na lamang may sobra akong pera
pinagawa na sa kanya para iwas sa aberya.

Ang aking x-ray wala namang problema
hinga lang malalim pagkatapos pirma na,
maging ang pisikal hindi ako nahirapan
kahiya lang sa duktora na aking tinuwaran.

Nakakaasar ng ako ay mag ECG
kama ay kay liit ako'y di mapakali,
resulta ay tiyak hindi kagandahan
tsk! meron na naman akong babayaran.

Huling yugto ay ang pagsusulit ng sayko
kahit nakakabagot kailangan tapusin ito,
alin ang naiba?, gumuhit ng bahay at tao
tanong na paulit-ulit akin ng nakabisado.

Nakakapagtaka sa ibang bansa'y hindi ganito
ang pag medikal hindi ganitong ka iksaherato,
masyado nga bang mahigpit o baka nanggigipit?
kaya kahit aplikante walang sakit ay sumasabit.



Saturday, March 16, 2013

" Istrok "

Nakakalungkot sinapit ng ating mga kababayan
naiipit, nadadamay dahil sa pabayang pamunuan.
kakatwa ang ikinikilos nitong mamang nakasalamin
takot ayaw makialam kalaban pa yata ang susuyuin

Paninisi na lang pantakip sa mga kakulangan
dating pamunuan lagi na lang pinipintasan.
kami'y nagtataka paano bang upuan ay nakopo
sa dating opisina taga taas lang ng kamay taga boto.

Hindi ka ba nahiya sa ginawa mong kahangalan
kulang na lang ipagsigawan di mo kayang lumaban.
harap-harapan niyuyurakan ng mga dayuhan
nakatikom ang bibig nabusalan ba o nasuhulan?

Kumpas ng iyong daliri ay di upang mag basbas
bagkus ay magturo upang sarili mo ay mailigtas.
ama ay ipinaglaban ang pangarap na demokrasya
anong nagawa mo bukod sa pagtangap ng grasya.

Ilang beses mo pa ba kaming ipagkakanulo
kung ngalay na ay tumayo na sa pag kakaupo.
iunat ang braso na naka-pangalumbaba
kaya ka siguro tuloy tumatandang binata.

Hindi masama ang mag-pakumbaba
huwag namang isayad ang ulo sa lupa.
ikaw nga ay kumilos baka ka ma Istrok
upang di ka maitulad sa itlog na bugok.



" Amnesya "

Nakalimutan nga ba o kinalimutan?
mga pangyayari at pinangyarihan.
nasaan na nga ba ang mga nakibaka?
silang nangagmartsa duon sa may Edsa.

Marahil waglit na sa kanilang alaala
dating tinutugis ngayon ay mga bida.
pinaglaban nga ba kalayaan ng bayan?
o ang kanilang pansariling kapakanan.

Kasapakat nuon bigla ay nagbaligtaran
masang inabuso ay ginawang kanlungan.
tila burado na sa kani-kanilang isipan
buhay nila'y naligtas dahil sa taumbayan.

Ngayo'y nangakapwesto upong taas ang paa
sarap na sarap sa mga buhay nilang tinatamasa.
hindi na mababakas sa mukha ang paglaban
sunud-sunuran na lamang kapag nautusan.

Diwa ng pag-kakaisa tuluyan ngang naglalaho
bansa'y hati-hati dahil sa inutil na pamumuno.
malamang kung buhay pa si Andres Bonifacio
inulan na ng itak ang sa tabing ilog na palasyo.

Sa mga nangyayari ay ating pagmuni-munian
ating aralin alalahanin laman ng isang kasabihan.
"Aanhin ang kalayaan ng isang tinatapakan
kung bukas naman sila ang mag hahari-harian.



Saturday, March 9, 2013

" Proksi "

Usong-uso na naman ang mga paghalili
kandidatong iba ang nagtataas ng kili-kili.
nakapangangamba paanong maglilingkod
ngayo'y tanging nakikita lang ay mga likod.

Tunay nga bang hangarin ay hindi maiitim
aba'y huwag ng itago lumabas na sa dilim.
mithiing magsilbi'y ipangalandakang tunay
paggamit ng saklay para lang sa mga pilay.

Taong bayan muli na naman pinaglalakuan
mga retasong trapo tawag natin ay basahan.
mumurahing pamunas ano nga ba ang silbi
ni hindi mapamamalit pamahid luha sa pisngi.

Pangangampanya'y mistula binyagan na lang
Proksi lamang dumalong mga ninong at ninang.
mga inaasahang gagabay at magiging karamay
dimo na mahahagilap pagnakuha na ang pakay.

Karapat dapat nga bang ihalal ang mapagpaliban
hindi pa umpisa ang laban mukha ng mang iiwan.
atin sana munang kaliskisan buo nilang pagkatao
baka mapili'y isdang bulok sa loob ng isang bilao

Sa entablado'y hanapin hindi mo mamamalas
ibang tao sa kanila ang nag-papakitang gilas.
ito ba ang aasahan magtataguyod sa bayan?
ngayon pa lamang ay hindi mo na sila masilayan.







Saturday, March 2, 2013

" Balikwas "

Kabutihang ibinigay sinuklian mo ng poot
pag-hihiganti sa puso ay iyong ibinalot.
sa Diyos na lumikha tila ika'y 'di natakot
tinatahak mong landas ay napakasalimuot.

Paano nagawang saktan ang iyong kadugo?
gawang-tao'y gamit sa kumpas ng hintuturo.
inosenteng biktima walang kamalay-malay
sa maitim na balak muntik ng mahandusay.

Nakapang hihinayang ating pinagsamahan
bakit ka nag paakit sa kislap ng kadiliman?
masamang tinapay wala ako sa'yong inabot
lagi kong nililimot pagkukulang mong dulot.

Iyong sina-santo malamang ay maitim na anito
kaluluwa'y nakasangla na nga ba sa impyerno?
ang walang pakundangan mong paninibugho
siyang naglagot sa atin ng taling nakatalibukso.

Kapwa mo ay 'di lumilikha ng iyong kasawian
ikaw nga ang gumuguhit ng iyong kapalaran.
ang galit na kumukubabaw sa iyong katauhan
bunga ng pagtalikod sa gumawa ng sanlibutan

Huwag kang mag-alala iyo ngang makakamit
ngunit kabaliktaran ang sa iyo ay hahagupit.
kung ano ang itinanim ay siya mong aanihin
kalunos-lunos na Balikwas ay iyong sasapitin.





Friday, March 1, 2013

" Ulupong "

Tao'y isinilang ulo ay may laman ang bumbunan
bakit karamihan ng umulan ay hindi naambunan
marahil ayaw nilang mabasa natatakot sa pasma
ngayon ay daig pa ang mapurol makitid na labaha.

Silang ginawa ng bisyo kanilang kamangmangan
tiwangwang na pag-iisip lumalabnaw na katinuan.
ngunit tutuusin kabobohan ay hindi karamdaman
isa lamang kapintasan maaari pa namang lunasan.

May mga nilalang kala'y marami na silang alam
abala sa pagngawa, sumalungat at mang-uyam.
mga taong tila ayaw ng maayos na pamayanan
oras inuubos  sa walang kwentang  balitaktakan.

Sila'y hindi nasisisyahan sa pagkakasundo-sundo
tila sadistang kinikilig kumukulo yaring mga dugo.
mga nilamon ng panibugho at sobra pagka inggit
pag angat ng kapwa ay lubha nilang ikinagagalit.

Mayroong mga talampasan alagaan at pakainin
ngunit parang mga ahas kahit amo ay tutukain.
mga asal bwitre't buwaya na nag aabang -abang
minamasdan ang bawat kilos mo at mga hakbang.

Luminga-linga ka lang sa iyong kapaligiran
andyan lang sila naka tayo sa iyong harapan.
nakangiting parang aso paa mo'y dinidilaan
sasakmalin ka sa likod ng 'di mo nalalaman.






Saturday, February 23, 2013

" Harana "

Perlas ng silangan umakit sa mga dayuhan
imbes na alayan bagkus ay nilapastangan
kariktan ay sinimsim pagkadaka'y inalipin
magpahanggang ngayo'y dinaranas pa rin.

Ilang beses nadumihan papalit-palit ng damit
ngunit ang ibinihis may mantsa ng nakakapit.
anak dalita mulagat tulala na nakasalampak
hindi na dayuhan sarili ng kalahi ang umaapak.

Maraming ng mga batas nais nilang palitan
upang pangalagaan pansariling kapakanan.
pangalang may dagdag akala mo sila pantas
balaking maiitim animo kanser walang lunas.

Makaahon pa ba tanong na tila pangarap ?
sa kumunoy ay lunod at sisinghap singhap.
kalbaryong kay tagal na nating pasan-pasan
wala ng sumasakop ngunit kalayaa'y nasaan?

Habang buhay lahing Indyo itatawag itatatak
hanggat may gahama't sakim na mga balak.
lalaboy sa lansangan mga walang masilungan
panglaman sa tiyan bubungkalin sa basurahan.

Sawa na ang bayan sa pangakong pagbabago
HARANAng maririnig sa labi ng mga kandidato.
hahabi na naman sila ng mga kasinungalingan
perang ipamimigay galing sa buwis ng bawat Juan.

" O maliwanag na buwan bayan ay tanglawan
mamamayan ay magluluklok aasa na naman."
ginhawang asam Inang Bayan ma'y pagkaitan
pag-ibig sa kanya'y huwag namang pagdamutan.

Monday, January 21, 2013

" Tampisaw? "

Inyong lingkod medyo hindi nakamitad
medyo sapol ng konti kayat napaigtad.
nabasang artikulo kauri ko ang pulutan
paksa'y katangian at aming kapintasan.

Bakit ba laging bansag ay mga manloloko?
tuwing malalaman nagtatrabaho sa barko.
masaklap pakinggan lalo sa mga baguhan
hindi pa man agad ng napapagbintangan.

Sabagay hihigit sa kalahating porsyento
karamihan ay tama sa mga ikinukwento.
ano raw bang sanhi ng pagkakaganito?
"Pagtatampisaw" ba'y sadya o koinsidento.

Hindi porke Seaman lagi na lang salarin
Landbase talamak din ganitong gawain.
natataon lang masyado na yatang sikat
sala ng isa damay lahat ng nasa dagat.

Natitirang kalahati inyo namang iangat
meron pa naman matino sa mandaragat.
taong lubos ang pagpapahalaga sa pamilya
kuntento't hindi naisip ang pangangalunya.

Salaysay na lahad ay hindi pagtatanggol
ang mga malinis kayo na unang pumukol.
bawat tao ay may sariling isip magpasya
ang sisi ay sa huli sabi nga pag-kinarma.



Sunday, January 20, 2013

" Taghoy "

Marami ng lumikha ngunit walang kumalinga
kaluluwa'y nalugmok na nakapangalumbaba.
mga pusong bigo isipang nag-dadalamhati
pag-asang nanamlay lungkot anong sakbibi.

Pagal na hinahabi mga salitang nasa hangin
susubukang aluhin ang pighating damdamin.
hinawan man ang luha sa matang namumugto
ramdam pa ang lumbay pagtagas ng siphayo.

Agam-agam sa dibdib nilalason ang isipan
panibughong umigkas ay hindi maiwasan.
nakatingin sa kawalan kamalayan ay liyo.
landasing tinatahak ay di na mapagtanto.

Takipsilim ang kalaguyo ng naulilang diwa
mga dahoy na tuyo sa ulo ng mga Makata.
magpumilit man bumangon sa pagkalugmok
handusay na ang ulirat sa pagkakayukayok.

Lapis at papel sa lupa'y nangangalaglag
ibabaon sa limot mga talumpating inaamag.
mga tulang hitik sa aral puspos ng pag-ibig
Panaghoy ng Makata tila hindi niyo narinig.







Saturday, January 19, 2013

" Halalan ! "

Simoy ng eleksyon ay malapit ng sumapit
kay aga pa lang marami nang naghahapit
sa mga istasyon ng radyo at telebisyon
atin ng mabobosesan ang kanilang layon.

Trapong kamakailan hindi nakakakilala
masalubong ngayon ay nangakangiti na.
umeepal nagpapam-pam nangagiikot-ikot
umaasang boto ay muli nilang masambot.

Maraming timawa tiyan ay magkakalaman
gayundin pagdami raket na pagkakakitan.
balimbing na prutas magiging bukambibig
mga taong switek sa magkabila ang panig.

Dating magkakampi ay magkatungali ngayon
talo-talo na kumbaga manalo lang sa eleksyon.
paulit-ulit na pangyayari, ano ba ang nabago?
wala! kundi ngalan ng mga bagitong kandidato.

Huwag magtaka kung may patay na nilalamay
tarpulin ng yumao kandidato ang nakalagay.
" Sa mga naulila ay taos pusong nakikiramay,
  huwag kalilimutan kabaon ako ang nagbigay! "

Botanteng ngayon lang makakaranas bumoto
pag-aralang maige ang karapat dapat ipwesto.
walang kai-kaibigan,kamag-anak o kumpare
kung nais ay pagbabago tunay na mangyare.

Tabi-tabi po mga nunong nanga-kaupo
manong ibigay naman sa iba ang trono.
pamumulitika ay isantabi na sa ating bayan
buong puso ng magsilbi sa mga mamamayan.






Thursday, January 17, 2013

" Plantsador "

Plantsa,plantsahan at paplantsahin
araw-araw ito na ang aking tanawin
buhay ay katulad ng aking trabaho
kay daling tignan ngunit kumplikado.

Ang tao ay ang plantsang aking gamit
iba't-iba ang anyo at kaugaliang bitbit.
kailangang aralin ang mga katangian
upang sa paghagod di mag-alinlangan.

Plantsahan ay ating mundong ginagalawan
malapad may makitid binase sa kapalaran.
ang ila'y namulat na sa marangyang buhay
ngunit mas  karamihan ay hikahos na tunay.

Mithiin,nais at matatayog na mga pangarap
paplantsahing ganap nga sa hinaharap.
mapapaso ka minsan bago mo makamit
huwag maiinip kung  gusot ay paulit-ulit .

Tinatahak na landas lukot-lukot na daan
pasasaan din uunat tungo sa kakinisan.
bataking maige pag-igihan ang diskarte
manalig sa Diyos upang lalong mapaige.

Pamamalantsa'y patuloy hindi magwawakas
mga pagal na kamay ay hahagod muli bukas.
bawat hagod kasabay ay yabong ng ginhawa
hindi maaalintana sandamukal man ang labada.









Wednesday, January 16, 2013

" Mga Kaibigan "

Pagkakaibigang hinubog ng mga karanasan
'di maaring sukatan ang mga pinagsamahan
nandyaan lang sila bihira man kung magkita
ngunit oras na kailangan sayo'y agad tatalima.

Maraming bagay tayong napagkakasunduan
bilang din naman ang hindi pagkakaunawaan
minsan hirap ipaunawa kapwa natin kamalian
kung kaya lihim pagkukulang nga ay pinupunan.

Hindi lang naman sa tagal ang pinag-uusapan
ang punto ay paano at ano ang pinagdaanan?
mayroong panahon kay hirap masumpungan
kaya't di maalis mag-isip na baka nakalimutan.

Mahilig nuon magsabihan ng kapwa suliranin
kung tutuusin kaya namang mag isang lutasin.
balikat ng isang kaibigan kay inam na taangan
wala mang maitulong bagkus ika'y sasamahan.

Kapag nagkatampuhan halos ay mag-takwilan
bibilang ng taon titikisin kapwa ay mag-iiwasan.
tadhana'y sadyang epal eksena'y papakialaman
konting kutos at sumbatan balik na ang samahan.

Mula ng tayo ay mamulat dito sa sangkatauhan
kaibigan sandamukal na palad ay nakadaupan
kababata,kaeskwela at kasamahan sa trabaho
ngunit daliri'y mabibilang ang kapanalig na totoo.

Datnan o panawan man mga katoto't kaibigan
nandirito umaasa pa rin kayo ay aantabayanan
nangangakong  ngayon at magpakailanman
ating pagkakaibiga'y hinding-hindi kalilimutan.





Saturday, January 12, 2013

" Wapakels? "

Kung ako ba ay mag-sabi na bakit ganun?
napansin ko kasi ang gawang di naaayon
kapag sinabi ko na kayo ay puro ganyan
dahil nakikita ko ang inyong mga kahinaan.

Ako ay pumupuna dahil nais kong ihulagpos
mga maling nakagawian na inyong niyayapos
kundangan kasi masyado kayong maramdamin
para kayong mga paslit na ubod ng pagkaiyakin.

Hindi ko sadya masaling inyong mga pinirito
hangad ko lang tunawi'y mantika ng prinsipyo
sobra ng walang bahala mga Walang Pakialam
baka ka magising katawan mo na ay nilalanggam.

Huwag sanang damdamin o mamasamain
ang tagal mo ng nguya subukan mo ng lunukin
nais mo raw marinig ang tunog ng batingaw
ngunit nasaan ka na ba tila ikaw ay naliligaw?

Bakit pag may tumahol agad niyong sinisita
suriin  muna sana ang taghoy na ibinibida
isang pares na tenga'y ano nga bang silbi?
kung papakinggan lang ay ang isang tabi.

Bangkuang niyo nuon huwag ng ipangalandakan
wala namang kumokontra wag ng magpagalingan.
yamang lahat tayo nais ay maayos na kapaligiran
walang imposible kung lahat ay makikipagtulungan.

Magkabilang dulo ay atin ng  pag-dugtungin
baluktot na katuwiran unti-unting diretsuhin
isiping tayo ay nakasakay sa iisang bangka
kailangan parehas timbang ang magkabila.

Kumabig mang pakaliwa o kaya ay pakanan
ang mahalaga isa lang nais nating tunguhan
iwasang magtulakan sa ating pag-babaybay
pairalin ang gintong aral  sa ating mga buhay.






Friday, January 4, 2013

" Ligaw Na Bala "

Nakakapangamba ang mga nangyayari
gawain ng dyablo tila ngayo'y naghahari.
buhay ng tao walang habas kung kitilan
dimonyo ay laganap na sating kapaligiran.

Walang muwang na paslit buhay nautas
dahil sa kahangalan nitong mga hudas.
mga taong pulpol daliri'y hayok sa gatilyo
multuhin sana kayo ng mga napuksa niyo.

Maraming dahil sa yabang at kahibangan
baril ay ginagawa ng palamuti sa katawan.
dagdag pa ang pagkalulung sa alak at bato
namamaril, papasok pinto ma'y nakakandado.

Ilang pulis at sundalo minsa'y naghahari-harian
sa mga balwarte nila sila ang makapangyarihan.
ano ba ang laban ng isang inosenteng mamayan?
sa mga taong may ari ng armas ng kamatayan.

Kailan kaya magwawakas o hindi na nga ba?
buhay na magbubuwis dahil sa ligaw na bala.
marami ng pamilya ang napinsala at naulila
pangarap na sinunog ng nag aapoy na tingga.

Bato-bato sa langit mga balang inihagis
dinggin ninyo ang aming pag-hihinagpis
buhay na nakitil dahil sa inyong kapalaluan
balikwas ng karma ay inyong antabayanan.