Marami ng lumikha ngunit walang kumalinga
kaluluwa'y nalugmok na nakapangalumbaba.
mga pusong bigo isipang nag-dadalamhati
pag-asang nanamlay lungkot anong sakbibi.
Pagal na hinahabi mga salitang nasa hangin
susubukang aluhin ang pighating damdamin.
hinawan man ang luha sa matang namumugto
ramdam pa ang lumbay pagtagas ng siphayo.
Agam-agam sa dibdib nilalason ang isipan
panibughong umigkas ay hindi maiwasan.
nakatingin sa kawalan kamalayan ay liyo.
landasing tinatahak ay di na mapagtanto.
Takipsilim ang kalaguyo ng naulilang diwa
mga dahoy na tuyo sa ulo ng mga Makata.
magpumilit man bumangon sa pagkalugmok
handusay na ang ulirat sa pagkakayukayok.
Lapis at papel sa lupa'y nangangalaglag
ibabaon sa limot mga talumpating inaamag.
mga tulang hitik sa aral puspos ng pag-ibig
Panaghoy ng Makata tila hindi niyo narinig.
No comments:
Post a Comment