Plantsa,plantsahan at paplantsahin
araw-araw ito na ang aking tanawin
buhay ay katulad ng aking trabaho
kay daling tignan ngunit kumplikado.
Ang tao ay ang plantsang aking gamit
iba't-iba ang anyo at kaugaliang bitbit.
kailangang aralin ang mga katangian
upang sa paghagod di mag-alinlangan.
Plantsahan ay ating mundong ginagalawan
malapad may makitid binase sa kapalaran.
ang ila'y namulat na sa marangyang buhay
ngunit mas karamihan ay hikahos na tunay.
Mithiin,nais at matatayog na mga pangarap
paplantsahing ganap nga sa hinaharap.
mapapaso ka minsan bago mo makamit
huwag maiinip kung gusot ay paulit-ulit .
Tinatahak na landas lukot-lukot na daan
pasasaan din uunat tungo sa kakinisan.
bataking maige pag-igihan ang diskarte
manalig sa Diyos upang lalong mapaige.
Pamamalantsa'y patuloy hindi magwawakas
mga pagal na kamay ay hahagod muli bukas.
bawat hagod kasabay ay yabong ng ginhawa
hindi maaalintana sandamukal man ang labada.
No comments:
Post a Comment