Simoy ng eleksyon ay malapit ng sumapit
kay aga pa lang marami nang naghahapit
sa mga istasyon ng radyo at telebisyon
atin ng mabobosesan ang kanilang layon.
Trapong kamakailan hindi nakakakilala
masalubong ngayon ay nangakangiti na.
umeepal nagpapam-pam nangagiikot-ikot
umaasang boto ay muli nilang masambot.
Maraming timawa tiyan ay magkakalaman
gayundin pagdami raket na pagkakakitan.
balimbing na prutas magiging bukambibig
mga taong switek sa magkabila ang panig.
Dating magkakampi ay magkatungali ngayon
talo-talo na kumbaga manalo lang sa eleksyon.
paulit-ulit na pangyayari, ano ba ang nabago?
wala! kundi ngalan ng mga bagitong kandidato.
Huwag magtaka kung may patay na nilalamay
tarpulin ng yumao kandidato ang nakalagay.
" Sa mga naulila ay taos pusong nakikiramay,
huwag kalilimutan kabaon ako ang nagbigay! "
Botanteng ngayon lang makakaranas bumoto
pag-aralang maige ang karapat dapat ipwesto.
walang kai-kaibigan,kamag-anak o kumpare
kung nais ay pagbabago tunay na mangyare.
Tabi-tabi po mga nunong nanga-kaupo
manong ibigay naman sa iba ang trono.
pamumulitika ay isantabi na sa ating bayan
buong puso ng magsilbi sa mga mamamayan.
No comments:
Post a Comment