Monday, December 10, 2012

" Ang Idolo "

Ako ay napamulagat 'di makapaniwala
mamang iniidolo sa lona ay nakadapa.
nakapanlumo tignan hindi ko matagalan
salimuot na eksena ng huli nyang laban.

Mga tagahanga sadyang napatunganga
halos panawan ng diwa sa pagkabigla.
parang oras ay tumigil ng napakatagal
sari-saring emosyon bawat tao ay usal.

Ngayon ay naganap ang 'di inaasahan
pambansang kamao ay yumuko sa kalaban.
alam natin sa ganitong uri ng larangan
isa lang ang waging hihirangin sa bakbakan.

Napaligaya nya tayo sa bawat tagumpay
ngayong talo sana tayo sa kanya'y dumamay
ang mandirigma mismo kabiguan ay tinanggap
manong mga miron tigilan na ang kadadakdak.

Bandera ng Pinas na lagi nyang itinataas
atin pa ring iwagayway iladlad ng buong tikas.
pansamantalang kabiguan lamang yan kabayan
babangon at babawi sa susunod niyang laban.

Sa labi niya na mismo kataga ay nangaling
"hindi pa katapusan ng aking pagbubuksing"
huwag ng husgahan bagkus ating damayan
aminin man o hindi idolo pa rin natin si Pacman.