Minsan parang bang ayoko ng sumulat ng tula
akdang mga nagawa ay wala namang napapala.
ilan lang nga ba ang nakagusto't sumang-ayon
marahil di nila maarok ang nilalaman at layon?
Hangarin maipahayag ang pansariling opinyon
sa kaganapan at pangyayari dito sa ating nasyon.
ngunit ako'y tila bubwit sa larangang nakahiligan
makapukaw man ng pansin ay may kadalangan.
Malimit husgahan gawa ay may kababawan
tugma ang salita ngunit walang kapararakan.
madalas masabihan na pulos lang kapaitan
paninibugho at siphayo ang laman ng isipan.
Abang lingkod ay hindi po nakikipagpaligsahan
at lalong walang balak na makipag-balagtasan.
katiting na kaalaman ay wala pa sa kalingkingan
ng mga makatang nauna sa ganitong larangan.
Gayunpaman sa paghabi ay hindi maglulubay
magsulat ng tula ay siyang ligaya ko ng tunay.
hindi sinasadya ang makasaling ng damdamin
itama lang ang mali ang aking tanging hangarin.
Darating din ang araw tula ko ay tatangkilikin
hindi na magmamakaawa na inyong basahin.
marahil sa ngayon hindi niyo batid ang kabuluhan
hari nawa'y pagkamakata inyo din masumpungan.
.
No comments:
Post a Comment