Tuesday, April 23, 2013

" Piso

Tuluyan ng lumiit maging kanyang anyo
ano na nga bang nangyari sa ating piso?
bida ng nakaupo halaga nya'y umaangat
presyo naman ng bilihin kasabay pag sikad.

Saan ba ngayon aabot ang ating baryang piso
ano pa mabibili sa may akda ng "El Filibustirismo"?
marahil kahit paslit iyong bigyan ay di masisiyahan
sapagkat isang kendi lang mabibili niya sa tindahan.

Pamasahe sa dyipni at bus ay patuloy sa paglarga
dahil di masawata pagmahal ng krudo at gasolina.
sabay-sabay halos sila kung mag atas ng pagtaas
ngunit sandaling bumaba ay hindi naman kinakaltas.

Mag-bobote swerte na kung kumita ng singkwenta
bigas at ulam kailangan milagro upang mapagkasya.
tubig at asin na lamang ang idildil nilang pang-ulam
madalas gabi'y itutulog na lang na ang tiyan ay kalam.

Kaya kung tatanungin kung anong halaga ng piso?
para sa maralitang hikahos ito ay makinang na ginto.
baryang hindi na pinapansin ng ibang mayayaman
dahil di nila nararanasan matulog ng walang hapunan.

Sana ang paglulustay natin sa walang kwentang bagay
sa kababayang mga kapus-palad natin na lamang ibigay.
mga pisong barya sa bulsa nakaumbok ika'y nayayamot
mga nanlilimos sa lansangan sa kanila na lamang iabot.

Laging ngang alalahanin hindi mabubuo ang isang daan
kung kulang ng piso ito ay siyamnapu't -siyam lamang.
gaano man karampot ang halaga ng aba nating piso
mainam na kaysa wala wag na tayong mag-alboroto.


No comments:

Post a Comment