Babaeng hitad muli na nama'y kinasangkapan.
para mailihis mailigaw ang isyung kasalukuyan.
napakahusay mag-inarte nitong kapatid ni kuya
animo ulirang inang at may pa resayn resayn pa.
Nilalansi at nililiibang na naman ang bayan
kapabayaan pagkukulang dinaan sa dramahan.
nagdaralitang mamamayan anong paki-alam
uunahin pa ba yan kaysa tiyan na kumakalam?
Patuloy lang sa paglubid ng kasinungalingan
mga inimbentong kwento upang mapag-usapan.
sambayanan manhid na yata sa kawalanghiyaan
tila tele-nobela na lang kanilang tinutunghayan.
Pag-asa'y marka na lamang ng isang sigarilyo
maari lang makita ng may kayang bumili pa nito.
tatlong taon pa daw maghahasik ng kabalbalan
kawawang Mindanaw tiis tiis muna sa kadiliman.
Ngunit kahit ano yata ang pag-pukol sa kanila
pahaging na ang iba talagang inaasinta na sila.
talagang hindi matinag bagkus lalong sumisidhi
bulag,pipi at bingi sa kapakanan ng nakakarami.
Nasa atin daw mga boto nakasalalay ang bukas
pano kung botante naabutan na ng pera at bigas?
ganitong mga eksena ay bentang benta sa masa
kay daming mauuto lalo't artista ang nakabandera.
Saan nga ba papunta ganun pa rin ba ang rota?
diretsong daan daw mga boss sabi ng nasa manibela.
kay tagal ng bumabyahe bansa tila di naman umuusad
kundangan puro paatras laman ng kukoteng may sayad.
No comments:
Post a Comment