Monday, March 18, 2013

" Pamana"

Nag-simula sa ninuno hanggang sa ka apo-apuhan
nuon at kasalukuyan sila pa rin ang nanunungkulan,
hindi na yata mababago ang ganitong kalakaran
ipinamamana na lang ang taglay na kapangyarihan.

Pinamanahang walang alam sa paninilbihan
kung hindi ang mangamkam at mag-payaman,
proteksyunan ang negosyo at mga ari-arian
magpasasa sa buwis ng bawat mamayan.

Makikita lang sila kapag malapit na ang botohan
palad ng mahihirap kinakamayan at inaabutan,
supot ang laman bigas,asukal,noodles at kape
ito ang pangumbinsi sa mang-mang na botante.

Nangakong ipapasarado mga pasugalan
paanong ipatitigil eh kanila ang pondahan?
bawal na gamot mga tulak kanilang ikukulong
imposible dahil nakatira sila sa iisang bubong.

Pakisama't utang na loob na tila walang katapusan
tatak ng Pinoy kaugaliang atin ngang nakasanayan,
at patuloy nga na magdaralita ang mga mahihirap
hanggat pamumuno nila ang tinatangkilik at yakap.

Kailan mapapatid kadena ng nakamulatang kultura
paghahalinhinan ng magkakamag-anak sa pulitika?
marahil suntok sa buwan kung ating ngang iisipin
aba malay din natin paiba-iba ang ihip ng hangin.



No comments:

Post a Comment