Nakalimutan nga ba o kinalimutan?
mga pangyayari at pinangyarihan.
nasaan na nga ba ang mga nakibaka?
silang nangagmartsa duon sa may Edsa.
Marahil waglit na sa kanilang alaala
dating tinutugis ngayon ay mga bida.
pinaglaban nga ba kalayaan ng bayan?
o ang kanilang pansariling kapakanan.
Kasapakat nuon bigla ay nagbaligtaran
masang inabuso ay ginawang kanlungan.
tila burado na sa kani-kanilang isipan
buhay nila'y naligtas dahil sa taumbayan.
Ngayo'y nangakapwesto upong taas ang paa
sarap na sarap sa mga buhay nilang tinatamasa.
hindi na mababakas sa mukha ang paglaban
sunud-sunuran na lamang kapag nautusan.
Diwa ng pag-kakaisa tuluyan ngang naglalaho
bansa'y hati-hati dahil sa inutil na pamumuno.
malamang kung buhay pa si Andres Bonifacio
inulan na ng itak ang sa tabing ilog na palasyo.
Sa mga nangyayari ay ating pagmuni-munian
ating aralin alalahanin laman ng isang kasabihan.
"Aanhin ang kalayaan ng isang tinatapakan
kung bukas naman sila ang mag hahari-harian.
No comments:
Post a Comment