Tuesday, March 19, 2013

" Iskolar "

Makatapos ng hayskul nais sanang mag kolehiyo
problema ang matrikula wala kaming pang sustento,
hindi rin pwedeng iskolar kard grado'y 'di kataasan
drayber si Itay karampot ang kita wala pa nga minsan.

Pahinga Muna Anak alma mater naming mga salat
sa katalinuhan, salapi at sabihin na nating sa lahat,
kabataang pangarap makapag tapos ng pag-aaral
ngunit 'di mabiyayaan tambay muna pansamantagal.

Pag ika'y Suma o Magna pasok sa Iskolar ng Bayan 
para daw sa mahihirap ngunit meron din mayaman,
istudyanteng hikahos hindi naman lahat naaahoro
kayat hirap pa rin itaguyod mga kinukuhang kurso.

Ang ila'y napipilitan humanap ng pagkakakitaan
weyter,dyanitor at kung ano anong mapapasukan,
tunay na Iskolar kasi problemay sinusulusyunan
hinding hindi mag-iisip sariling buhay ay wakasan.

Nakakalungkot lang minsan sa sobrang karunungan
napapasali sa makabayan kuno't welgistang samahan,
umaasang magulang giginhawa kapag nakapagtapos
inaasahang Iskolar iba na ang katuwirang niyayapos.

Demonstrasyon nga ba ang paraan upang mapakinggan
kailangan pa bang manakot magsunog ng bangkuan?
ganyan rin siguro inaasal sa loob ng inyong tahanan?
magulang na pinagkakautangan pilit niyong dinidiktahan.

Ani Gat. Jose Rizal kabataa'y pag-asa ng bayan
kung dunong ay ginagamit sa tamang paraan,
kahirapa'y di malulunasan ng protesta't karahasan
bagkus magsumikap tama na ang sisihan at turuan.






No comments:

Post a Comment