Ang aking lipi tawag nga'y kayumanggi
may kasarinlan at gandang bukod tangi.
dungisan ibilad man ng ilan sa kahihiyan
hindi ko itatatwa ang mahal kong bayan.
Dito ako isinilang ito rin ang hihimlayan
lupang Ipinangakong pinagkakapitagan.
saan man dalhin ng tadhana't kapalaran
siya'y aking pugad laging babalikbalikan.
Samut-saring trahedya't mga kaganapan
ating Inang bayan dinatnan at panawan,
kinang 'di natitinag lalong tumitingkad
alab ng puso sa diddib bumubukadkad.
Piling lahi kumpara sa mga kalapit bansa
bantog sa katangian at husay makisama,
pinong manalita kausap man ay banyaga
duguin man ang ilong sa ingles na wika.
Kulang sa sukat puwing tingin ng lahat
kayang pumantay kahit sa mga Golayat,
angking kagalingan saan mang aspeto
sa isport o sining tinitingala't nirerespeto.
Patuloy na aalayan 'di man karangalan
ibinabatong putik ay aming huhugasan.
kayong ikinahihiya kanyang kalagayan
maalala sana ang "Panatang Makabayan".
No comments:
Post a Comment