Sunday, March 17, 2013

" Medikal "

Ako ay banas tuwing mag-memedikal
dito kasi sa Pinas tila ay napaka-brutal,
halos isang araw din ang iyong ilalaan
pag minalas babalik ka pa kinabukasan.

Nakaraang gabi huling kain ay hapunan
gutom muna tiisin dugo kasi ay kukuhanan,
imbes na kumain ako ay tila nag-alinlangan
pahaba na ang pila dami ng nagdadatingan.

Kayat ako'y pumasok sa eksaminan ng mata
dahil sa puyat at gutom lagpak ang resulta,
ilang ulit kasi pinabasa mga letra sa salamin
aking paningin parang may munting buhangin.

Testingan ng tenga sunod na pinasukan
kahit anong tunog wala akong nahimigan,
kundangan nga kasi napaka ingay sa labas
mga busina ng dyip dinig kong napakalakas.

Iiling-iling lumakad papunta sa dentista
aking tatlong ipin kailangan daw maipasta,
mabuti na lamang may sobra akong pera
pinagawa na sa kanya para iwas sa aberya.

Ang aking x-ray wala namang problema
hinga lang malalim pagkatapos pirma na,
maging ang pisikal hindi ako nahirapan
kahiya lang sa duktora na aking tinuwaran.

Nakakaasar ng ako ay mag ECG
kama ay kay liit ako'y di mapakali,
resulta ay tiyak hindi kagandahan
tsk! meron na naman akong babayaran.

Huling yugto ay ang pagsusulit ng sayko
kahit nakakabagot kailangan tapusin ito,
alin ang naiba?, gumuhit ng bahay at tao
tanong na paulit-ulit akin ng nakabisado.

Nakakapagtaka sa ibang bansa'y hindi ganito
ang pag medikal hindi ganitong ka iksaherato,
masyado nga bang mahigpit o baka nanggigipit?
kaya kahit aplikante walang sakit ay sumasabit.



No comments:

Post a Comment