Friday, March 29, 2013

" Siete De Palabras "

"Ama ko, Ama ko patawarin mo sila
hindi nila alam kanilang ginagawa.
ito ang pagpapatawad niyang salita
sa mga paulit-ulit nating pagkakasala.

"Sinasabi ko sa iyo: Isasama kita sa paraiso"
magnanakaw na Dimas ay dili iba kundi tayo.
ito ang salitang pangako ng ating kaligtasan
siyang nag-iisang tagapagligtas ng sanlibutan.

Sinabi nya "Babae,narito ang iyong anak...
at sinabi nya sa alagad ..Narito ang iyong ina!
habiling nag-tatangi sa isang kapatid at ina
halimbawang pagtanggap ng tao sa bawat isa.

"Eli, Eli, lema sabachthani? na ang kahulugan
Diyos ko, Diyos ko bakit mo ko pinabayaan?
ang wika ng pag-iwan puspos ng dalamhati
bakit ang tao sa pagkabigo siya ang sinsisi?

"Nauuhaw ako!"...nais niyang ipaaalam
sakit,gutom at uhaw siya'y nakararamdam.
subalit mas uhaw siya sa pangunawa ng tao
mapagmatigas ngunit marupok sa tawag ng tukso.

"Naganap na!"...at nalagot kanyang hininga
pagwawakas ng buhay niya sa balat ng lupa.
nangyari na ang katuparan ng mga kasulatan
kamatayan niya ang tutubos sa sala ng sanlibutan.

" Ama, sa mga kamay mo'y ihahabilin ang aking Espiritu!"
ang huling salita ng muling pag-iisa ng Diyos at ni Kristo.
sa kanyang pag-akyat muling pag-upo sa piling ng Ama
sangkatauha'y naligtas sa paghuhukom at pagkawala.

No comments:

Post a Comment