Nahuli na at lahat ay hindi pa rin makasuhan
anong sistema meron ang ating tinalampakan,
imbestigasyon ay wala na naman patutunguhan
parang napanood ko na resultang kalalabasan.
Busawang mga baboy at buwakaw na buwaya
kasabwat ng salarin ngayo'y may mga amnesya,
parang mga ponsyo pilatong naghuhugas kamay
sa naganap na kurakutan wala daw silang malay.
Halos isang linggo na mula ng kusang sumuko
ano na ba ang ikinaso sa nasabing akusado?
kumpara sa mga yagit na magnanakaw na nahuli
bago makarating sa presinto dadanas na ng gulpi.
Sari-saring mga balita bigla ang nag salimbayan
isyung sapantaha ko'y upang malihis ang usapan,
paglabas ng kalaswaan ng sikat na komedyante
sinundan ng pagaalboroto kuno ng mga rebelde.
Uso na naman ang martsa bariles ipinoprotesta
pagkatapos sa bagumbayan itutuloy daw sa edsa,
mga artista at politiko syempre pupunta at dadalo
mga eletista sa mahihirap kunyari ay makikihalubilo.
Sisigawan na naman ng huwag matakot makibaka
magbuhol buhol ang trapik at magkakalat sa kalsada,
ilang ulit na ba ang ganitong pagtitpon at kaganapan
inaaapakan sa susunod sila na ang maghahari-harian.
Patuloy ang pagsadsad ng halaga ng ating piso
dolyares ng bansa'y tangay na yata ng mga bandido.
mga propesyunal dadagdagan na daw ang buwis
sinong magpapasan kundi ang mga anak pawis.
Patuloy na magdadanas ng hirap ang Pilipinas
habang andyaan ang talipandas na mga pantas.
sakali man itong moro-moro'y walang kahinatnan
Diyos na magpapanagot sa kanilang kagahaman.
No comments:
Post a Comment