" Kwarentaydos "
Pang-apatnaput dalawang taong kaarawan
dating patpatin ngayo'y bolang nahanginan,
bakas nga minsan naiiling pag nananalamin
kulay alipatong buhok ay mayroon ng abuhin.
Panaho'y 'dinamalay sa sobrang pagka-abala
kahapo'y tila almusal ngayo'y tanghalian na,
dami ng nalilimutan kahit kapangyayari palang
buti na lang nakatala araw ng aking pagsilang.
Maging pintor nais nuong ako'y paslit
maipinta anyo ng buwan na sakdal rikit,
nais rin makapag suot ng isang itim na abito
isang Pari na nagtataboy ng multo at demonyo.
Laruang Voltes Five 'di ko man lang nahipo
kababata kong mayroon maglaro ay patago,
mapanood man sa T.V. sa bintana o pintuan
kababata kong kay damot kami ay sasarhan.
Nabato ni Mam ng ereyser nung ako'y Grade Two
dahil dinakikinig nakikipagdaldalan sa katabi ko,
Grade Six inuntog ni Sir sa pisara ng kami'y abutan
nahuling nag-babatuhan habang nag-sisigawan.
Binasted ng unang nililigawan noong hayskul
kundangan kasi taghiyawat ko ay bukol-bukol,
hindi nakapagpa-piktyur nung kami'y magtapos
gupit ko kasi ay kaysagwa na parang natipos.
Ilang beses umibig meron din naman napasagot
ngunit dinagtatagal sa akin yata ay nababagot,
hanggang sa nakilala ang akin ngayong Esposa
awa ng Diyos dose taon na kaming nagsasama.
Dalawang supling marikit na ubod ng lambing
bahay laging makalat parang binagyo ni Huling,
nakaraang pasko kami'y nagno Noche Buena
wala sa loob nahiling anak sana'y makaisa pa.
Ako ay nagdilang anghel bulong nga ay nangyari
heto't amin inaantay paglabas ng bagong beybi,
salamat Diyos ko sa ipinagkaloob mong buhay
sa lahat ng biyaya at matiwasay na pamumuhay.
Nawa'y pagpalain pa sampu ng aking pamilya
maayos na kalusugan at malayo sa disgrasya,
paa ko ay hahakbang sa panibagong bukas
papuri ay sa iyo ngayon at hanggang wakas.
No comments:
Post a Comment