Oh Aking Hirang baranggay kong dinarangal
umunlad at umayos ang aking laging dinarasal.
Muli ay kaming maghahalal ng mga kinatawan
mailuklok nawa namin ay matitinong kababayan.
Mangyari po sana huwag ng maibalik sa trono
mga talipandas at tiwaling inugatang kandidato.
Ngunit kamag-anak at kakilala nila ay kay dami
napupurbetsuhan,naaambunan ng kanilang ani.
Magliwanag sana ang naguguluhiminang isipan
mapagmuni-muni kung sinong tunay na maaasahan.
Maglubay na tayo sa nakasanayan at nakagisnan
pairalin na ang tamang pagpili ng manunungkulan.
Sawa na sa kapapakinig ng matatamis na pangako
talumpating kinabisado mula pa nung unang termino.
Garapal kung maglustay ng pondo ang mga unggoy
humigit-kumulang matagal na tayong dinedenggoy.
Ilang taon gawa ay manguyakoy at mangalumbaba
nganga sa mga isyu at pangangailangan ng madla.
Tagapagligkod ng bayan na laging nasa lamyerdahan
sangkot pa ang ilan sa bisyong ngayo'y kinagigiliwan.
Nakakapang hinayang ang mga taon na napaparam
kawaning pinagkakatiwalaan sahod lang ang inaasam.
Pagtupad ng mga tungkulin tila wala sa mga bokabularyo
puntirya'y laging manalo upang tuloy-tuloy ang kapritso.
Oh Aking Hirang hangad namin ay isang pamayanan
mga matitinong mamumuno na kami ay paglilingkuran.
Bawat isa nawa'y gamitin sa pagboto ang puso at isipan
karapat-dapat ay ihalal huwag ang mga lumang basahan.
No comments:
Post a Comment