Sunday, September 30, 2012

" Kadena "

Pagmulat ng mata hawak na ay basura
kahit wala ni kape laman ang sikmura
kalakal na mabebenta baryang ipangbibili
noodles o tinapay malamang ay yung huli.

Matapos ngumuya tinapay na almusal
paa'y bitbit na, babalik uli sa pagkalkal
lilikum ng mga bagay na pagkakakitaan

upang maitawid kalam ng tyan sa tanghalian.

Matapos maisalba tanghaliang pinagkasya
pang hapunan ako'y saan na naman kukuha?
araw nga ay palubog heto ako'y kumahog
naghahagilap tambakan ay hinahalughog.

Ngunit sadyang wala na akong makita
basurahan tila ay said, wala ng natira .
kawawang mga anak tayo ay mimintis
ating hapuna'y umilap konti munang tiis

Gutom ay dadaanin nalang natin sa tulog
at nawa'y managinip ng nakabubusog
bukas ng umaga hihilahin babakasakali
buhay na hikahos makalag sa pagkatali

Kadenang nakagapos sa abang buhay
kaluluwang pagal na nakahandusay
Diyos Ama dinggin aming mga panalangin
kami sana ay ihulagpos sa kahirapa'y palayain.

" Patlang "

Isang araw ako ay nakipag libing
sa isang kaibigan na malapit sa akin
pansi'y natuon sa lapidang pagkakikilanlan
petsa ng pagsilang, Patlang at kamatayan.

Marahil ang ilan di alam ang kahalagahan
ng Patlang sa buhay ng bawat nilalang
oo nga't ginugunita araw ng ating pag silang

maging pag-luluksa ng araw ng pag lisan.

Subalit sa Patlang nga ay nakapa-loob
ating naging pamumuhay sa sansinukob
dito'y mailalahad mga kabutihang inilaan
pati na rin pagkukulang at nagawang kamalian.

Sakaling mabatid kahulugan ng Patlang
kasaysayang iginuhit sa kanbas ng sangkatauhan
salapi,kotse,bahay at anumang karangyaan
medalya't plake pangalan mo ay pinarangalan.

Subalit ang mahalaga sa iyong naging Patlang
malasakit sa kapwa lagi mong isinasalang-alang
mga mahal sa buhay napagsilbihan ng taos
Diyos Amang lumikha ay ginalang ng lubos.

" Basketbol "

Paslit pa lamang gusto ko na ay maging
manlalarong sikat na ubod ng galing.
Sa husay ko mga bata ako'y iidolohin
pangalan ko't istilo'y kanilang gagayahin.

Aking pangarap tila suntok yata sa buwan
pagkat bangkuan ang aking pinaglalaruan.
Kundangan kasi katawan ko ay patpatin

dinadaga pa ang diddib animo'y aatakihin.

Minsan aming sentro sa foul ay nameligro
si Coach tila yata ay gagamitin na ako.
sa kanyang kumpas ako'y daliang tumayo
napa-antanda at sa court nga ay tumakbo.

Parang sinisinok pakiramdam kong taglay
aking mukha at labi tila namutla ang kulay.
mga taong nanonod ako'y pinagtatawanan
hindi magkamayaw ako'y kinakantyawan.

Kamay at braso ay ibinukang parang pakpak
balak kong harangin kalabang sasalaksak .
paningin ko'y nagdilim nakakita ng bituwin
itlog ko'y natuhod referee hatol ako ang salarin.

Huling dalawang minuto isinigaw ng kumite
tatlong puntos nilang lamang ay nakakaturete
plano ay pupukol ng tres isa naming asintado
sa'king pagkalito bola sa kamay ko ay dumapo.

Ipapasa o ititira? kailangan kong magpasya
nasa labas ako ng arko bola'y akin ng ititira.
dilat ang mga mata ngunit isipan ko'y nakapikit
iglap nga ay naihagis bahala na ang aking sambit.

Tanaw ko aking mga kasama ako'y inaawat
tiyak pag natalo ako ang sisihin ng lahat.
parang naghimala at dikapani-paniwala
bola ay naibuslo iskor ay aking naitabla.

4th quarter ay natapos ngunit tabla ang laban
limang minutong dagdag amin uli ay bakbakan
tila nawala na nerbiyos at pag-kamalangya
kumpyansa ng maglaro sa bangko tila lumaya.

Marahil aming kalaban sa liga ay sadya ng biteran
huling minuto't segundo kami nga ay pinaglaruan
natapos ang laro kami ay umuwing talunan
ngunit nag-uumapaw ang aking kaligayahan.

Sa wakas nakamatan minimithit inaasam
ilang minutong kasikatan aking naranasan
babauning alaala diman ganap na humusay
basketbol ay lalaging bahagi ng aking buhay.

" Pagmamahal ng Anak sa Ama "

Hindi ubos maisip bakit nasa bilanguan
kinasuhang sangkot sa isang nakawan.
itinuturong pinuno ang aking pangalan
napakasaklap nitong abang kapalaran.

Aking naalala kahapong nagdaan
Ako at si Ama'y naglilinis ng bakuran.
Mga talahib at damo aming hinahawan

mabentang gulay aming tataniman.

Dakong gabi habang naghahapunan
si Ama ako ay kanyang inutasan.
Bukas ng umaga luluwas ng bayan
bibili ng punla at ibang kagamitan.

Maagang nakarating sa may pamilihan
ilang saglit lang nabili ng mga kailangan.
Nang biglang nakabangga ng isang mama
aking paumanhin kanya namang tinalima.

Habang nag-aabang sa pag-uwi ng sasakyan
isang kotse ang huminto sa aking harapan
Mamang nakabangga sa akin ay kumaway
inaalok ako baka gusto ko daw sumabay...

Rehas na bakal ay kumakalansing
si Warden pala ako'y ginigising.
May sulat na dala galing sa'king ama
ako'y nagalak at dali-daliang binasa.

"Anak musta na? sana ay nasa mabuti ka
ako'y nalulungkot pagkat ako'y matanda na
paghuhukay ng bakuran di ko na maasikaso
nanakit na kasi ang aking likod at mga braso...

Nakaisip ng paraan upang Ama ay matulungan.
kay Warden kumaway at paglapit binulungan
perang naparte ko ibinaon sa aming bakuran
sakaling makuha Ama ko sana'y inyong bigyan.

Batutang pangkulata sa akin ay gumising
galit sa akin ni Warden ay nag-uumigting.
Agaw buhay na ako ng sya ay maglubay
iniwang duguan sa sahig nakahandusay.

"Diyos ko kayo na po bahala kay Ama"
aking nausal bago malagutan ng hininga.
Hindi na masisilayan ang pagsikat ng araw
Ama 'wag ikalungkot ang aking pagpanaw.

( sulat ni Ama na di ko na nabasa )
"Mahal kong Anak ako'y masayang-masaya
Warden nyo'ng mabait siya ay nagpadala
mga tauhan para lupa nga ay mahukay
upang mga punla'y akin ng mailagay.....

" Hepa "

Wala namang sakit bakit naninilaw?
kakasilaw tignan mga alahas ni Islaw.
suot-suot kahit saan mahiya ang sanglaan
pati kanyang mga ipin ay may ginintuan.

Mga Katrabaho siya ay kinababanasan
marahil sa angas niya at kayabangan.
kung pumorma akala mo laging mapera

puro naman i.d 't resibo ang laman ng pitaka.

Pagsa-inuman lintik lakas mangantyaw
sa alak at pulutan saksakan ng takaw.
ngunit kapag daka'y oras na ng bayaran
maglalasing-lasingan o magtutulog-tulugan.

Ngunit lingid sa aming kaalaman
ako'y natawa ng aking malaman.
nanligaw din pala sa aking kaibigan(Kurdapya)
pihong alam nyo na ang kinahinatnan.

Istanislaw pagkapalalo mo nga ay alisin!
marami na sa iyo ay gusto ka ng tirisin.
di bale ng hikahos o gayak mo ay payak
wala pagtalikod mo sayo ay manlilibak.

Ang mga burloloy mo na naglambitin
manong bawasan o kaya ay tanggalin.
baka isang araw holdaper ika'y mapagtripan
ospital o sementeryo ang iyong kasadlakan.

" Toynks "

Pupungas-pungas dyaryo'y binubuklat
Aling Tindera sa akin mata'y nandidilat.
numero sa lotto ako'y napamulagat
nagdilim ang paningin nawalan ng ulirat.

Sa isang iglap nagbago ang kabuhayan
dating mahirap ubod ngayon ng yaman.
Kamag-anak ,kaibigan biglang naglabasan

tignan mo nga naman walandyong kapalaran.

Dati'y barong-barong ngayo ay mansyon
mamahalin ang kotse halaga ay milyon.
Masasarap na pagkain sa hapag umaapaw
parang fiesta palagi susuko pati langaw.

Mula ng yumaman natuto ng mag bisyo
alak,sugal at sapin-sapin na kalaguyo.
Maluhong pamumuhay at paglulustay
hindi napapansin kwarta'y unti ng nauutay.

Araw ay lumipas na parang kumaripas
balon ng yaman ay simot na at limas.
wala ng natira nabaon pa sa utang
kundangan kasi inuna ang yabang.

Mansyon na tinitirhan banko ay iilitin
dama'y pati kotse kanilang bibitbitin.
Kamag-anak,kaibigan bigla ng naglaho
animo mga surot isa-isa ng nagsitago.

Wala ng maisip upang makabangon
sa pagkalugmok unti-unti ng humahapon.
Kumuha ng baril sa sintido itinutok
kinalabit ang gatilyo nakarinig ng lagatok.

(Pok!) bakya sa ulo ko'y sumayad

Ako pala'y nananaginip at napaigtad
mukha ng aking ina sa aki'y tumambad
"Napakabatugan" mo talagang bata ka
tirik na ang araw nasa higaan ka pa.

"Ambrosyo "

Itong aking katoto palayaw ay Ambo
ugali ay maitutulad sa mga pilantropo,
napakagalante't sadyang mapagbigay
tipong pag-gastusan dika idadamay.

Maging sa huntahan at kuro-kuro
hindi padadaig hindi paduduro.
animo siya henyo sadyang alam lahat

kagalingang sya na rin ang bumubuhat.

Ubod ng dalas kung sya'y magpantas
mga salitang sa diwa'y nakakautas.
kumpyansa sa sarili ay abot langit
katangi'at kagalingan lagi na ay bangit.

Itong si Ambo pala'y may namumuo
pag-sintang pururot na itinatago
kay Kurdapyang tila Usang mailap
kahit konting pansin di'nya mahagilap.

Ginamit ng lahat tangan nyang husay
ngunit tila balewala at walang saysay,
paanong mapapaibig ang isang nilalang
kung di ka marunong magbigay galang.

Pilit mong inaangkin ang hindi pa sa iyo
mapaninindigan mo ba pag sya'y umoo?
naisip mo ba ang kanyang kalagayan?
maghunos dili ka sa'yong kahibangan.

Hindi lahat ng oras ikaw ay mananaig
makakaranas ka rin mabigo sayong ibig.
Ambrosyo wag kang masyadong ambisyoso
si Kurdapya ay umamin ayaw nya nga sa iyo.

" Carmela "

Bumabalong lubos yaring kaligayahan
tuwina sa kalooban ay nararamdaman,
kapag maamong mukha ay napagmasdan
itong munting kawangis ng aking paraluman.

May galit o sumpong ito'y nawawaglit
oras na masilayan mga matang anong rikit,
pag-labi nya'y sadya na ngang nakangiti

aking pagkainip tuluyan ng napapawi.

Paglalambing sadyang likas na katangian
mapapansin pag sya'y meron kahilingan,
iiyak na lamang pag hindi napagbigyan
paano mo nga ba sya mapahihindian.

Ibayong kasiglahan mababanaag lagi
pag sa eskwela titser sya ay napupuri,
ngunit kapagdaka sya ay malungkot
papuri malamang hindi nya nasambot.

Murang isip nya ay wala pang tumpak
pangarap at maging di pa nya natitiyak,
Mahal nating Diyos ako'y dumadalangin
magandang kapalaran bunso ko ay sapitin.

Gayun pa man aking ipinapangako
gabay at pag-mamahal ilalaan sa iyo,
Walang hindi ibibigay o kayang gawin
kahit butas ng karayom aking papasukin.

"Kurdapya"

Meron akong kaibigan nakilala lang kamakailan
ngalan ay Kurdapya medyo may kagandahan.
mga kalalakihan sa kanya'y nahuhumaling
tila nabato-balani o sya'y may anting-anting?

Umaga pa lang para ng mga bubuyog
itong aking kaibigan kanilang kinukuyog
kung dangan kasi itong si Kurdapya
may ugaling angkin na nakakaigaya.

Kaibigan Kurdapya minsa'y nakahuntahan
tungkol sa kanyang buhay aming napag-usapan.
murang idad palang sya'y mayrong kasintahan
nagbunga ang ibigan ngunit di nagkatuluyan.

Itong si Kurdapya'y kabutiha'y hahangaan
wala man katuwang sa buhay pilit lumalaban.
anak na tangi kailanma'y di napabayaan
mahal na magulang patuloy na tinutulungan.

Nangangarap din minsan at nag-iintay
ng lalaking mag-aalay ng pag-ibig na tunay
taong magmamahal sa kanya ng lubos
hindi sya tatalikuran ginhawa man o hikahos.

Sya'y hindi namimili gwapo man o suriklat
ngunit si Kurdapya sa pag-ibig sadyang inaalat.
maghihintay na lamang kung kailan dumating
huli man daw at magaling maihahabol din.

O aking kaibigan iyong pakatatandaan
sa mundong itong ating ginagalawan.
magdanas ka man ng lungkot o kabiguan
ang kasunod naman nyan ay iyo ng kaligayahan.
10

"Daungan"

Ang aming bahay abot tanaw ang dagat
bubong tila may tulo,ding-ding na tumatagas
sa paligid nito ay maraming kabahayan
harap ng aking bakod ginagawang tambayan.

Gayak nito ay mga lasenggo at tsimosa
ilang mga kabataang gumon sa droga.
pinapayungan ng mga ingeterang palaka

hinihipan ng mga utangerang may amnisya.

Nakakamangha paraan ng pangungutang
animo kumunoy hinding-hindi ka lulutang
isasangla sss o atm ,koop kuno at bumbay
pili ka lang sa kalbaryong sa iyo'y nag-iintay.

Makapananghalian ang mga kababaihan
nagkukumahog patungong binggohan.
sa dapit hapon ay meron ding libangan
kwadradong lamesa tawag ay madyungan.

Sa hating gabi nag aalingaw-ngawan
boses ng mga lasing na nagkakantahan
sigawan at habulan ng makukulit na kabataan
awa ng Diyos ingay akin parin nakakatulugan.

Pag sinag ng bukang-liwayway sa silangan
ugong ng traysikel ika'y maaalimpungatan.
pamumuhay dito pasensyahan talagang ganyan
patibayan ng hiya, pang unawa'y iyong lawakan.

Mayroon din namang ibang naninirahan
maayos at matuwid ang mga kaugalian.
sarswelang kapaligiran iyong mamasdan
sa aming kalye na ngalan ay "Daungan".

" Enigma"

Mayroong sugat kahit anong pilit lunasan
pabalik balik pa rin nakayayamot na minsan.
habang naghihilom sadya ang pagkati
mananariwang uli pag ito nga ay nasagi.

Sarili ay nilugmok walang balak ibangon
isipang nakapinid sa nakaraan lumilingon.
kirot at hapdi sa puso'y namamayani

kailan mag wawakas , kailan isasantabi?

Pilit nagkukulong sa hawla ng kahapon
kadenang pasakit lagi ay kalong-kalong.
pusong nagmamahal ay sinusugatan
wala na ba ang tamis ng dating sumpaan?

Pakiwari'y tiyak pagsuyo ay nangupas
pamamaalam labi nga ang binibigkas.
animo patalim bawat salitang inuunday
tagos sa puso't laman ng sawing buhay.

Masalimuot na lumipas atin ng ibaon
isa alang alang at yakapin ang ngayon.
umahon sa alaala ng malapot na kumunoy
tama na ang panaghoy na nakaka abnoy.

Manaig nawa ang banal na tipanan
pag-ibig ay tigib na pagsasaluhan
sa lungkot o ligaya,hirap at ginhawa
hanggang kamatayan ay magsasama.

"Buwan at Bituin"

Ikaw ang tanglaw sa aking binabagtas
nagbibigay sigla at karagdagang lakas.
sa isip at puso'y laging mananatili
nagkatotoong pangarap at panaginip.

Sa piling mo'y laging nararamdaman
taos na damdami'y dulot na kasiyahan.
sa tuwing hihimlay sa iyong kandungan

walang pagsidlan apaw na kaligayahan.

Dalawang supling na napakalambing
mga katangian ay walang kahambing.
pinasisiglang lagi ang aking damdamin
wari'y kumisklap sa aking paningin.

Sakbibi ng lungkot ang nararanasan
tuwing aking mundo ay nakukulimliman.
ng mga pasakit sa buhay at pasanin
mga tanong ang sagot kay hirap hagilapin.

Sa Diyos na may kapal aking dinarasal
kaginhawa'at kaayusan sa buhay nami'y umiral.
malayo sa kapahamakan at ligtas na kalagayan
akin pong mag-iina ay inyong pakaingatan.

Daigdig na nilalakara'y tila kalawakan
walang hanggang dulo at katapusan
sa'king paglalakbay taimtim na dalangin
madilim na ulap sana'y laging hawanin
upang masilayan ang tanging ning-ning
ng aking Buwan at dalawang Bituin.

" Takas "

Mga damit ay dali-daling sa bag isinilid
dahan-dahang pumanaog pinto'y ipininid.
kasarapan pa ng tulog ng aking Ama't Ina
hindi nila mamamalayan na ako'y wala na.

Madaling araw pa lang walang gaanong tao
walang makakakita na kahit na sino.
sumagi sa isip eksena kagabi

inatake si Ina si Ama ako ang sinisi.

Kung bakit kilos ko'y laging pinapakialaman
pati mga barkada ko ay pinapagalitan.
ako lagi ang mali sila ang laging tama
sermon na walang misa nakakabanas na,

Buo na ang pasya sa kanila ako'y sasama
aking mga barkada bago ko ng pamilya.
mga bagay na lagi sa aki'y sinusumbat
magagawa ditong lahat ng walang aawat

Halos araw-gabi ang aming kasiyahan
kamustahin ang magulang ay wala sa isipan.
sa barkada'y napalaot naligaw ng landas
kaluluwa'y tila impyerno na ang binabagtas.

Gagawan ng paraan upang matustusan
bisyong niyayakap at kinasasadlakan.
nandyan ang magnakaw o lakas ay ipaagaw
lahat ay tataluhin kahit pa mukhang bakulaw.

Nag aabang sa may kanto ng masisilo
disperadong makakuha na kahit pang piso.
may isang matandang lalaki ang dumating
yakang yaka ko to pwede pang tumambling.

Patalim ay agad sa leeg iniumang
kawawang nilalang ay nagulantang.
kinuha ang pitaka na puno ng pera
karipas ng takbo sa madilim na iskinita.

Kawawang matanda naiwang tulala
naglalakad na waring wala sa diwa.
hindi napansin padating nasasakyan
kisap mata siya'y duguan sa daan.

Masayang binuklat ang nakulimbat
ako'y nabigla at napamulagat.
may ari ng pitaka ay aking kilala
ano biniktima pati aking Ama.

Balisang-balisa nagpasyang umuwi na
aking mga magulang ako'y mapatawad sana.
mga pagkukulang ay aking pupunan
habang buhay ko silang pagsisilbihan.

Malayo pa lang tanaw na aming bahay
abo't abot ang kaba tila diko na maantay.
malapit na ako ng aking mapuna
maraming tao at mayron pang tolda.

Sinalubong ng yakap ng mahal kong Ina
di sya makapaniwala na ako'y bumalik na.
may kaba sa dibdib na aking inusisa
musta na si Ama nasaan po ba siya?

Biglang paligid ay aking napagmasdan
larawang naka bandera ay namataan.
tuhod ko'y nangatog at biglang napaluhod
Ama ko pala ang sa kahon ay nakapaloob.

" Liham "

Kamusta ka na Mahal kong Nobya?
sana'y mabuti sampu ng iyong pamilya.
ako naman ay ganoon din kahit nalulungkot
isang buwan na kasi sulat koy di mo sinasagot.

Marahil ikaw ay abala sa iyong pag aaaral
kung kaya't pagliham sa aki'y nababalam
ipagpaumanhin mo sana aking pagtatampo

dala lang sigurong ng pag kamiss ko sayo.

Syangapala natangap mo na ba?
pinadala kong pera para sayong matrikula
pasensya na kung medyo tila atrasado
ngayon buwan lang kasi kami nakasweldo.

Yung nais mo palang bagong telepono
hayaan mo pambili sa kasama'y uutang ako
budget sa pagkain akin na lang titipirin
upang maipambayad sa aking hihiramin.

Medyo nakakalungkot sa isang buwan
akin yatang sweldo tila ay kakaltasan
sampung araw kasing hindi nakapagtrabaho
mata'y natalsikan ng kumukulong ispalto.

Huwag kang mag alala ayos na naman ako
ang mahalaga akoy nakabalik sa trabaho
panlalabo ng mata mawawala din siguro
kailangan makaipon para sa pag uwi ko.

May isa akong kasama na kababalik lang
sila'y aking inaway dahil sa kanilang huntahan.
ikaw daw ay may katagpo sa isang restoran
pagkatapos ay nagtuloy sa pribadong tipanan.

Ako'y dinaniniwala na ika'y magtataksil
nakita nila'y iba o kamukha mo lang marahil.
naiingit lamang siguro sa aking kapalaran
ubod kasi ng ganda ang aking kasintahan.

Isang umaga sulat ako'y nakatangap
galing sa iyo pakiramdam ko ay nasa ulap
may halong saya at kaba na binuksan
mata'y napapikit luha ay nagpulasan.

"Kamusta ka na dyan Mahal ko?
pangunawa ang tanging pagsamo.
sumulat ako para malaman mo
ako'y ikakasal na sa isang linggo.
Totoong lahat ang nabalitaan mo
kaya't sana ay patawarin mo ako
matalik mong kaibigan na lagi kong kasama
pinagbubuntis ko ang magiging ama....

Hindi na nagawang tapusin ang binabasa
liham ay kinuyom sa magkabilang palad
tenga'y nagpapanting mata'y nagdidilim
parang umagay ko'y naging takipsilim.

Agad nag isip na magpatiwakal
kumuha ng lubid kilos ay kritikal
"paalam malupit na mundo" aking inusal
ngunit takot sa Diyos pa rin ang umiral.

" Babangon"

Swerte na tuwing umaga ika'y magigising
ang iyong hininga ay nandyan pa rin.
mga nag aagaw buhay pilit lumalaban
hangin mong tinatamasa ay mapa kanila din.

Mapalad na rin na maituturing
sa oras ng gutom ay may naiisaing.
may bansang tagtuyo ni walang naiinom

kahit mumo at tutong walang nalilikom.

Tagpi-tagping yero, mga retasong tabla
bubong at dingding ng bahay na aba.
mainam na rin kung gabi'y may matutuluyan
maige na sa karton o dyaryo sa lansangan.

Mamahaling damit at magagarang sapatos
mula sa pagkabata ay pangarap ng taos.
tsinelas na de goma na lamang nga muna
kamiseta't pantalon kulay ay kupas pa.

Dahil edukasyo'y kulang at di natapos
trabahong nakukuha sahod ay di lubos.
pilit na pagkasyahin kaysa walang kitain
pantawid gutom ng pamilaya kung tutuusin.

Mukha mang aba ang iyong kalagayan
nagsusumikap ng lubos sa parehas na laban.
aanhin ang karangyaan o kasaganaan
kung galing sa mali at panglalamang.

Maramot man ngayon ang kapalaran
laging may bukas na pakakaabangan.
Diyos ay di natutulog laging naka antabay
sya ang nakakaalam sa lahat ng bagay.

Kailanman ay di sya nagbigay ng pasanin
sa iyong balikat na di mo kayang buhatin.
nasa kanya ang awa nasa tao ang gawa
dagok sa buhay at pagsubok wag ng ikabahala.

Pagmumukmok sa sulok ano ang mapapala
magmumukha ka lang lugi at ka awa-awa.
madilim at makapal man ang ulap ngayon
bukas sisinag ang araw sa'yong pagbangon.

" Awas "

Katulad mo ay isang punong baso
wala ng puwang ,wala ng espasyo.
maaring salinan ngunit di malalagyan
paano ka nga ba mapaliliwanagan?

Marami ng sa buhay mo ay naganap
ano pa ba talaga ang iyong hinahanap?
karunungan ay tila di mo na kailangan

mga payo at saway di pinapakinggan.

Laging sarado ang iyong paniniwala
wala ring habas dila kung manalita.
marahil isip ay laging nakasisiguro
pag ikaw ay nahulog maraming sasalo.

Lakad mo'y gewang iba-ibang direksyon
nasaan ka na ba ano na ang posisyon?
kung ikaw lang sana ay magpapakahinahon
kaya mong sagupain kahit ano mang hamon.

Huwag kang umasa sa iyong tangan
lahat ng bagay ay mayroong hangganan.
matutong umamin sa mga kamalian
magpakumbaba kung kinakailangan.

Nakapinid na isipa'y laging buksan
maling katuwiran ay iyong talikuran.
baso ay bahagyang iyong bawasan
salinan ng bagong mga natutunan.

Panibagong bukas iyong mamalas
wala na ang iyong pagmamatigas
kapalit ay panatag na kalooban
malawak na isip at kamalayan.

" Konyonismo "

Makabayan ako ang lagi inyong sinasabi
ngunit tila taliwas sa inyong inuugali
bakit puros kahihiyan at katatawanan
ating Inang Bayan inyong dinadamitan

Sadya bang kay babaw ng iyong kasiyahan
konsensya'y nasaan na sa inyong katauhan.
mga gustong sumikat at maging tanyag

ngunit kabulastugan lamang ang hinahayag.

"More fun in the Philippines" pakayong nalalaman
mga niretokeng larawan na puro kabalbalan
ano't trahedya at kahirapa'y ginagawang komedya
hindi ka nga lang bobo isa kang dakilang tanga.

Ano ba ang inyong gustong palabasin
kayong mga taong kulang yata sa pansin.
mga nakapag aral naman siguro kayo
ano't iniinsulto sinilangang bayan nyo.

Ano ba ang inyong mararamdaman
pag ang inyong Ina ay pinagtatawanan
marahil ikaw ay isang ampon nga lamang
kaya walang malasakit at saksakan ng yabang.

"Mahal ko ang Pilipinas" nasasabi nyo lang
pag kabayang si PACMAN ay mayroong laban.
maghupa na kayo sa inyong mga kahangalan
"Ang Dangal ng Ating Bayan Inyong Pahalagahan".

" Saltik "

Saan nga ba talaga ang iyong tungo?
kasikatan at kapangyarihan ikaw ay lango.
tinatamasa mo ngayon na kasaganaan
walang kyeme sa lahat iyong pinangangalandakan.

Maalwan man ang kalagayan mo ngayon
ay wag kang parang laging naghahamon.
masarap anihin ang tagumpay sa buhay

kung panatag ang loob at masayang tunay.

Pinagdaanan mo rin aming katayuan
ngunit tila bakit kami'y iyong dinuduraan.
nakakalungkot isipin ay okay lang yan
pipilitin pa rin namin ika'y maintindihan.

Mga pasaring mo ay aming titiisin
kung ikagagaang ng iyong damdamin.
aming kaibigan iyo lang pakatatandaan
sa mundo ay walang permanenteng kapalaran

Napahanga mo nuon sa iyong abang husay
pakikisama mo ay tila iba na yata ang kulay.
marahil ngayon damang dama mo ang langit
baka bukas naman puro daing ang banggit.

Sarangolang iyo ngang tangan-tangan
sa taas ng lipad ay paka aabangan.
baka minsang ang tali ay biglang mapigtal
hahanapin mo ito ng napakatagal.

" Dilemma "

Sige ang tipa, sige din ang bura
kanina pa ganito gusto ko ng mag mura
tila sa nangyari ay di pa maka get over
ang sakit sa bagang wala akong ma remember

Hilong talilong umiikot na parang helikopter
na memental block ba o mental dis-order ?
dapat kasi ay sinulat ko muna sa papel

mga talatang nasa isip hayan tuloy nag dis-appear

Bakit ba naman kasi nag fefeeling writer
pagsulat ng tula ay parang ng kina karir
akin namang gawa pag nabasa ng mga reader
dededmahin lang comment ay hmm..what ever!

Aminadong kulang pa ang husay sa pag aareglo
natuklas kasing sining tangahali na ng mabisto
wala mang maisip wag ng mag aburido
baka sa kakapilit masiraan pa ng ulo

Bansagan mang mga tula na fail at looser
ok lang baka bukas makagawa nako ng winner
aakyat ng hagdan one step at a time
hindi magsasawang gumawa ng mga rhyme.

" Sakto "

Akinse na naman ng buwang kasalukuyan
kaya mga ATM kay haba ng pilahan
mapapansin mong isa lang ang tunguhan
silay animo langgam halos magbunguan
ang iba ay nagmamadali baka daw maubusan
may "Sale" kasi ngayon kaya nagtatakbuhan

Sasabihing bang bayan ay nagdaralita

bakit tila mga tao'y nagkakandarapa
sa pagbili ng bagay na kung ano-ano
kahit di kailangan makasunod lang sa uso

Bagong telepono na merong bidyo
ay pikit matang bibilhin ko
bahala na muna pambayad sa meralco
kay dj bumbay uutang na lang ako.

Utang na loob layuan mo ako
saleslady tindang relo inaakit ako
bukas maririnig ko sermon ng Boss ko
"puro ka bale katatapos lang ng sweldo!"

Utak talangka nga ba tayo?
o talaga lang matigas ang ulo
sasahod ng pito kung gumastos ay walo
paano nga ba naman tayo aasenso?

Kung tayo lamang sana ay matututo
sa pag gastos ng tama at wasto
sosobra na ang allowance at budget mo
hindi na aantayin susunod mong sweldo.

" Bakasyon? "

Isang huling sulyap bago ako lumisan
aking mag-iina muli na namang iiwan
panandaliang kasiyahan dulot ng bakasyon
ngayo'y kaharap naman sari-saring emosyon.

Aking mga anak kayo'y mag papakabait
mag aral mabuti at wag mag kakasakit
Si Nanay ay sundin at wag na wag gagalitin

upang sya'y di mapilitan kayo ay paluin.

Mahal kong Asawa huwag ka ng malungkot
sandali lang naman buwan ay kung umikot
sa aking pupuntaha'y wag kang mabahala
ako doo'y mag iingat Diyos sa akin ay bahala

Nagbilin si bunso Barbie daw ang gusto,
si panganay naman laruang Naruto
mga simpleng kahilingan ay pag-iipunan
pag dating ni Tatay sa pag tatrabahuhan.

Kung sahod lang sana sa sariling bayan
ay tulad ng kita sa ibang bansa ang bayaran
at ang mga bilihin di gaanong mataas
wala ng Pilipino sa bansa ay lalabas.

" Pektos ng buhay "

Mag pipitong buwan na pala mula ng sumampa
naipong kong pera ay di yata magkakasya
kailangan ko kasi ng malaking halaga
gagamitin sana sa pag papa opera
panganay ko kasi ay nakakabahala
bukol sa lalamunan ay sobrang laki na

Kung bakit kasi ngayon pa nangyari

aming mga sideline ay di na maaari.
kahit papaano sana ay naaasahan
labada na aming pinag pupuyatan.

Kaya napilitang humanap ng pagkakitaan
pag bebenta ng sigarilyo ang syang sinubukan.
mali man tignan ang huli't tanging paraan
pag nahuli nama'y tiyak ang paglalagyan.

Malaki ang kita nakaka enganyo
bat di ko nalaman nung ako ay bago.
sa madaling salita ako'y nakalikom
konti na lang at marami na ang aking ipon.

Ngunit isang umagang ako'y maliligo
may katok na nadinig sa aming pinto
ako ay nagulat tuhod koy nanghina
naka unipormeng asul ang nagpakilala

Ang hanap ay ako at nag awtorisa
papasok daw sila at mag iimbestiga
sila'y nag halungkat tila may hinahanap
kalaboso'y ramdam ko sa kin magaganap.

Hindi ko na sila pinahirapan pa
itinuro sa kanila lalagyan ng kargada
upang di na madamay iba ko pang kasamahan
inamin ko ng ako lang may alam ng bentahan.
Lahat ay kinuha tangay pati ang puhunan
may papel na inabot akin pang pinirmahan
matapos ilang araw na imbestigasyon
mga nakatataas ay nag desisyon
ako'y pauuwiin sa madaling panahon
mga gamit ko daw akin ng ikahon.

Wala na ngang lahat aking pinaghirapan
para lamang bula na naglahong bigla
babalik ng Pilipinas wala kahit singko
masaklap pa nito tanggal pa sa trabaho.

Minsan sa ating buhay tayo'y mananaghili
handang isakripisyo ang pang sarili
itataya ang lahat ,kahit ano'y kakayanin
malagay man sa bingit ng alanganin
bagyo'y susuungin, dagat lalanguyin
palagi mang madapa ay tatayo pa rin
"para sa pamilya" lahat ay gagawin
maiahon sa hirap ang laging hangarin.

" Tapik "

Sa akin ay taka at ayaw maniwala
nag aastang makata nagpipilit tumula.
kinopya ,ginaya ang mga gawa nya
walang pinag iba sa CD' na pinirata.

Marahil dahil nga sa mga maling palarila
kun dangan kasi nuo'y mahina sa balarila.
di ko rin nakasanayan mag sulat ng liham,

at makipag balagtasan sadyang wala akong alam.

Subalit tila ako'y isang balon na malinaw,
mga talata at salita ay nangag uumapaw
kumikinang sa aking isip na animo'y ilawan,
nag lalaro sa diwa ang samut-saring larawan.

Sarili'y di alam bakit aking naisip
karanasan ko sa buhay ay aking ilakip.
upang kahit papaano ay maibahagi
isipan nyo at puso ay aking masagi.

Pangatlong gabi na humahabi ng salita
Nilupak,Tadhana at Siman na ang nakatha.
ramdam ko ang galak at luwalhati ngang tunay
mistulang nagkakulay pasyon ng aking buhay.

Salamat sa Diyos isip at diwa ko'y tinapik
ako pala ay kanyang inaatasang maghasik
ng mga istoryang hango sa nasaksihan
may tamis o pait,tagumpay at kabiguan
pagsasalarawan ng kapwa natin kapalaran.

" Seaman "

Maagang gumising bangong pabalikwas
kailangan magmadali sa aking pagluwas.
Lunes ngayon malamang ay trapik
kaya't dina dapat magpa tumpik-tumpik.

Sumakay ng jeep papuntang krosing
sikmura'y laman kapeng sinimsim.
Humaharurot na sasakyan ay nagsasalimbayan

umabot sana kami sa aming hantungan.

Salamat sa diyos nakarating din ng luwat
lakad ng mabilis paa'y parang buhat-buhat
Sakay naman ng bus patungong rotonda
sana sinakyan ay di mag bubuwaya.

Pagdating ng Pasay ay medyo liyo
nakatabi ko kasi ay amoy insenso
Bumaba umakyat sa mataas na hagdanan
sakay ng LRT papuntang bagumbayan.

Sulyap sa relo na di palito
maaga pa pala bago mag ikapito
Medyo umalwan pakiramdam na bagabag
maaari pang sikmura'y alisin ang kabag.

Bumili ng Skyflakes at kapeng 3in1
mainit na tubig hingi lang kay manang
Habang ngumunguya at humihigop
mga mata ko naman ay nag papaikot-ikot.

Baka sakaling may mataang mga kakilala
ng makabalita na rin tungkol sa kanilang sampa
Subalit tila walang ngang pag-asa
marahil sila ay may kanya kanyang barko na.

Tanggapang bilding aking narating,
gwardyang sumalubong nakakapraning.
Masungit na't maulit sa pag kapkap
tingin pa sa lahat ay kasapi ng Abu Sayaf

Walang pang pila aplikante'y konti pa
kaya ako'y naupo na sa may una
Pamaya maya pa nga ay nagdatingan
mga kadete at amo umpisa na ng laban.

Matapos ang marami nilang seremonyas
pagasiste sa mga aplikante'y isinenyas
Isa isa kaming kinuhanan ng datos
pati na nga mga sukat ng aming sapatos.

Umaasa na ako nga ay matatangap
ngunit tila maitim makapal yata ang ulap.
Sa aki'y kung ano-ano ang itinatanong
ni Ginoong interbyuwer na naka barong.

Mister Prado ikaw ay nag aaplay nga kamo?
karanasan tila wala ka sa pag babarko.
Ano ba namang tanong yan tila insulto?
pano ngang magkakaroon ako nga ay bagito.

Awa ng Diyos naging maayos naman
mahabang listahan ng mga katanungan
ay maluwalhati ko namang napagsagutan.
Manager ako sa kadete ay ipinatawag
at may inabot sa akin na sulat
bawal dito sa amin ang mag palo up
hayaan mo kami sa iyo ang tatawag.

Isip ay gulo at may pag aalinlangan
ako ba ay natanggap o sadyang inalat.
Paa'y humakbang palabas ng tanggapan
dimalaman kung uuwi o manananghalian

Uuwi na lang muna yan ang abang pasya
pamasahe ay sakto sobra lamang ng barya
kasya lamang pang bili ng Maxx na kendi
tangahalian na lang sa bahay sa sarili ay sabi.

" Tadhanang Disinasadya "

Dekada nobenta ng ako'y mag-umpisa,
mundo ng paglalaba sa isang kumpanya
Mga kamay at paa na laging basa sa tubig,
makinang pang laba tila ibong humuhuni.

Nakatapos mandin edukasyong bokasyonal,
tangan namang kurso ay masyadong tipikal.
Kalaaman sa elektrikal nga ay napalitan

samut saring kaalaman batas ng KALINISAN.

Nililok ng pang araw araw na mga gawain
ang humusay na tunay laging adhikain.
Bagama't musmos pa sa ekperyensa
diskarte'y diskaril sa bawat eksena.

Ngunit ng lumaon pakpak ay umusbong
hindi na alintana anuman ang hamon.
Mapa acid, bleach o simpleng garment wash
minamani na lang animo'y nag to-toothbrush.

Sadyang gayon pala kapag natuto na,
dating payak gusto ng umasinta.
Baon ang kaalaman sa pinang galingan,
sa Heritage Hotel naman tila ay susubukan.

Nanibago sa aking bagong napasukan
sistema ay iba kaysa dating pinaglingkuran.
Kilos naging pino ngunit lalong agresibo
kailangan maipakita ang pagkasupersibo.

Naatasang humawak ng dalawang makina
misyo'y gibain bundok ng twalya't kobre kama.
Kapagdakay nailipat sa ibang rotasyon
damit at pantalon akin ng obligasyon.

Isang kasama ay nakipag kasundo
kaalaman nya sa dryclean sa akin ay ituturo.
Sya raw ay walang kasanayan sa aking makina
kahusayan sa kanya ay akin ding ipinasa.

Sadyang kay bilis bagwis ko ay lumapad
sa ibang bansa Riyadh ako'y napadpad.
Sa Rana Confectionery matutupad ang inaasam
superbisor sa wakas akin ng makakamtam.

Ngunit buhay 'di ganun sa isip namutawi
sarili'y tinatanong kailan kaya makakauwi.
Araw ay naging buwan, buwan na naging taon
tiyak uuwi din ako pagdating ng panahon.

Lubhang di ako sanay sa ganitong sitwasyon
isipa'y bagot gawai'y alang atraksyon.
Kung kaya nga ako nalang ay nagpatianod
sa ibat ibang uring ugali  ng pagmumulamod.

Karunungang dala ay kinakalawang
husay ay nanamlay tila napahandusay.
Di naglaon at takda nga ay dumating
itong Saudi Arabia ay akin ng lilisanin.

May saya at lungkot sa aking dibdib
paalam mga SADIQ para akong nanaginip.
Wala man uwing dagdag na kaalaman
sa buhay nama'y sanlaksa ang natutunan.

" Nilupak "

Salamat sayo mahiwagang kakanin,
ikaw ang gumising ng aking damdamin.
upang umahon sa aking pagkadapa,
at tahakin ang daan patungo sa mga tala.

Apat na taon na kung iisipin
ngunit sa diwa koy laging babaunin
mga araw ako'y maagang gumigising

balinghoy ay ilalaga at huhubugin

O kay bilis ng nag daang mga panahon
kakanin ay pansagip buhay ko kahapon
Salamat sa ating Amang Lumikha
dahil ako nga'y tunay nyang pinagpala

Anuman ang meron ako ngayon,
"Nilupak" akin parin nililingon.
Ikaw ang nagsilbing motibasyon,
sa aking buhay naging pundasyon