Naranasan mo na ba bulsa'y maubusan
ni pambili ng yelo hindi mo mapaluwalan
halos halughugin na buong kabahayan
bente singko barya ay walang natagpuan.
Gatas ng anak pinagdamutan sa tindahan
halos magmakaawa di parin pinagbigyan.
isang hitang manok aming pagsasaluhan
halagang dose pesos ulam sa tanghalian.
Koryente'y naputulan dahil sa kawalan
perang pambayad hangang matangalan
sila'y hindi naniniwala walang pantubos
marami daw kaming ipon na di mauubos .
Nuon ako'y mayroon sila ay pinahiram
kahit dinabayaran akin lang hinayaan
ng ako na ay gipit sa kanila ay lumapit
pinautang ngunit sa tubo nama'y hinapit
Mga kapit-bahay lihim na nagtatawanan
aming kahirapan kanilang pinapalakpakan.
mga taong palalo kunyari'y kumukumusta
ngunit sa aking likuran ako ay inaalipusta.
Palibhasa ngayon ako'y naghihikahos
buhay ko ay katulad na sa busabos.
dahil ba ako'y nangangalakal na daw
mainam na ganito wag lang magnakaw.
Nakakaraos pa rin sa awa ng Diyos
buhay kong dalita patuloy sa pag-agos
pagsubok sa dibdib ko ang nagpapatibay
upang malabanan mga hamon ng buhay.
No comments:
Post a Comment