Ano nga ba ang mas mahalaga?
bakit nga ba ito ang inyong inuuna.
daming importanteng mga suliranin
dapat yun muna Sana Lang asikasuhin.
Iskwelahan ng mga anak ko
mainam pa kulungan ng kabayo
pinagkasya'y animnapu sa bawat kwarto
luma at kulang minsan wala pang libro.
Magkasakit sa barangay libre nga konsulta
kagamita'y di naman sapat para makapagsalba
mga libreng gamot dimo rin maasahan
mahinang klase at iilan pinipili pa ang bibigyan.
Maraming pa rin kalugar namin nag aabroad
iniiwan ang pamilya upang duon kumayod
babakasakali daw ginhawa'y makaranas
makaipon ng unti para sa darating na bukas?
Patuloy pa rin bakbakan duon sa Mindanao
kapayapaan at kaayusan tila di pa natatanaw
Muslim at Kristyano walang humpay ang labanan
bata pa lang ako iniisip ko na kung ano ang dahilan?
Dito naman sa syudad bawat pamamahay
maghapon magdamag sa telebisyon nakatunghay
buhay hinahalintulad sa kanilang napapanood
pilit ginagaya kahit ang pamumuhay ay hilahod.
Kapag may dumarating na mga sakuna
baha,lindol at kahit bagyong habagat pa
bago pa makasaklolo sa mga apektado
kailangan pang magsumamo sa mga pulitiko.
Nakawan ay laganap kahit saang lugar
minsan pare-pareho ang mga dahilan
mga taong lulong sa droga lalo na kabataan
gagawa ng paraan upang bisyo'y matustusan.
Mga esterong tiwangwang at lubak na daan
mga proyektong tila limot o nakalimutan
inumpisahan nila bago pa nga mag eleksyon
masa at motorista sisi sa pagboto sa kanila nuon.
Ano na ang nangyari sa mga naging biktima
ng madugong masaker sa isang probinsya
nakakulong na't lahat ngunit wala pa rin
hustisyang nakamit sa mga nahuling salarin.
Ating mga kasundaluhan nasa mababang rango
mababa na ang sahod sa gyera pa nakadestino
mga armas ay kulang kapag lumalaban
paano nga ba maipagtatangol ang Inang Bayan?
Bansang tsekwa Pilipinas ay nilalapastangan
pilit inaangkin lupang ipinagkanulo ng ilan
nahan mga pasimuno mistulang ponsyo pilato
naghugas ng kamay inosente sabi sa husgado.
Malaking porsyento ng bawat naghihikahos
walang makain ni walang bahay na maayos.
mga taong ito alam ba ang pinagsasabi nyo?
"Lagyan Nyo Muna Laman Kanilang Mga Plato."
No comments:
Post a Comment