Friday, October 5, 2012

" Tamang Daan? "

Nuong kapanahunan ng kanyang ama
hindi matatawaran kanilang pakikibaka
pinaglalaban kalayaan at demokrasya
hanggang sa siya nga ay nadisgrasya.

Dalamhati ng isang butihing asawa
kung kaya't siya rin nga ay nagpasya
naumpisahan ng kabiyak ay ipagpatuloy
bayan ay iaahon sa malagkit na kumunoy.

Kalayaan ng bayan ay nakamit na naman
naibalik ang karapatan sa bawat mamamayan
demokrasya'y anong saya namin ninamnam
hanngang muli na naman nilang kinakamkam.

Anong tuwa ng madla ng ikaw ay bumulaga
dahil ngalan ng iyong ama ang iyong dala-dala
napakadali mong nakamit rurok ng tagumpay
tiwala ika'y aming kakampi at magiging kaagapay.

Mga pangako'y tila wala rin kahihinatnan
nasaan na ang sinabi mong Tamang Daan ?
mayroon ka pang sinabi kami ang yong boss
mistula ngayong hari dimababali ang iyong utos.

Kung Amat Ina mo lamang ay nabubuhay
hindi nila papayagang mawalan ng saysay
pinaglabang demokrasya at karapatan
ng dakilang lahing may dangal at kalayaan.





No comments:

Post a Comment