Monday, January 21, 2013

" Tampisaw? "

Inyong lingkod medyo hindi nakamitad
medyo sapol ng konti kayat napaigtad.
nabasang artikulo kauri ko ang pulutan
paksa'y katangian at aming kapintasan.

Bakit ba laging bansag ay mga manloloko?
tuwing malalaman nagtatrabaho sa barko.
masaklap pakinggan lalo sa mga baguhan
hindi pa man agad ng napapagbintangan.

Sabagay hihigit sa kalahating porsyento
karamihan ay tama sa mga ikinukwento.
ano raw bang sanhi ng pagkakaganito?
"Pagtatampisaw" ba'y sadya o koinsidento.

Hindi porke Seaman lagi na lang salarin
Landbase talamak din ganitong gawain.
natataon lang masyado na yatang sikat
sala ng isa damay lahat ng nasa dagat.

Natitirang kalahati inyo namang iangat
meron pa naman matino sa mandaragat.
taong lubos ang pagpapahalaga sa pamilya
kuntento't hindi naisip ang pangangalunya.

Salaysay na lahad ay hindi pagtatanggol
ang mga malinis kayo na unang pumukol.
bawat tao ay may sariling isip magpasya
ang sisi ay sa huli sabi nga pag-kinarma.



Sunday, January 20, 2013

" Taghoy "

Marami ng lumikha ngunit walang kumalinga
kaluluwa'y nalugmok na nakapangalumbaba.
mga pusong bigo isipang nag-dadalamhati
pag-asang nanamlay lungkot anong sakbibi.

Pagal na hinahabi mga salitang nasa hangin
susubukang aluhin ang pighating damdamin.
hinawan man ang luha sa matang namumugto
ramdam pa ang lumbay pagtagas ng siphayo.

Agam-agam sa dibdib nilalason ang isipan
panibughong umigkas ay hindi maiwasan.
nakatingin sa kawalan kamalayan ay liyo.
landasing tinatahak ay di na mapagtanto.

Takipsilim ang kalaguyo ng naulilang diwa
mga dahoy na tuyo sa ulo ng mga Makata.
magpumilit man bumangon sa pagkalugmok
handusay na ang ulirat sa pagkakayukayok.

Lapis at papel sa lupa'y nangangalaglag
ibabaon sa limot mga talumpating inaamag.
mga tulang hitik sa aral puspos ng pag-ibig
Panaghoy ng Makata tila hindi niyo narinig.







Saturday, January 19, 2013

" Halalan ! "

Simoy ng eleksyon ay malapit ng sumapit
kay aga pa lang marami nang naghahapit
sa mga istasyon ng radyo at telebisyon
atin ng mabobosesan ang kanilang layon.

Trapong kamakailan hindi nakakakilala
masalubong ngayon ay nangakangiti na.
umeepal nagpapam-pam nangagiikot-ikot
umaasang boto ay muli nilang masambot.

Maraming timawa tiyan ay magkakalaman
gayundin pagdami raket na pagkakakitan.
balimbing na prutas magiging bukambibig
mga taong switek sa magkabila ang panig.

Dating magkakampi ay magkatungali ngayon
talo-talo na kumbaga manalo lang sa eleksyon.
paulit-ulit na pangyayari, ano ba ang nabago?
wala! kundi ngalan ng mga bagitong kandidato.

Huwag magtaka kung may patay na nilalamay
tarpulin ng yumao kandidato ang nakalagay.
" Sa mga naulila ay taos pusong nakikiramay,
  huwag kalilimutan kabaon ako ang nagbigay! "

Botanteng ngayon lang makakaranas bumoto
pag-aralang maige ang karapat dapat ipwesto.
walang kai-kaibigan,kamag-anak o kumpare
kung nais ay pagbabago tunay na mangyare.

Tabi-tabi po mga nunong nanga-kaupo
manong ibigay naman sa iba ang trono.
pamumulitika ay isantabi na sa ating bayan
buong puso ng magsilbi sa mga mamamayan.






Thursday, January 17, 2013

" Plantsador "

Plantsa,plantsahan at paplantsahin
araw-araw ito na ang aking tanawin
buhay ay katulad ng aking trabaho
kay daling tignan ngunit kumplikado.

Ang tao ay ang plantsang aking gamit
iba't-iba ang anyo at kaugaliang bitbit.
kailangang aralin ang mga katangian
upang sa paghagod di mag-alinlangan.

Plantsahan ay ating mundong ginagalawan
malapad may makitid binase sa kapalaran.
ang ila'y namulat na sa marangyang buhay
ngunit mas  karamihan ay hikahos na tunay.

Mithiin,nais at matatayog na mga pangarap
paplantsahing ganap nga sa hinaharap.
mapapaso ka minsan bago mo makamit
huwag maiinip kung  gusot ay paulit-ulit .

Tinatahak na landas lukot-lukot na daan
pasasaan din uunat tungo sa kakinisan.
bataking maige pag-igihan ang diskarte
manalig sa Diyos upang lalong mapaige.

Pamamalantsa'y patuloy hindi magwawakas
mga pagal na kamay ay hahagod muli bukas.
bawat hagod kasabay ay yabong ng ginhawa
hindi maaalintana sandamukal man ang labada.









Wednesday, January 16, 2013

" Mga Kaibigan "

Pagkakaibigang hinubog ng mga karanasan
'di maaring sukatan ang mga pinagsamahan
nandyaan lang sila bihira man kung magkita
ngunit oras na kailangan sayo'y agad tatalima.

Maraming bagay tayong napagkakasunduan
bilang din naman ang hindi pagkakaunawaan
minsan hirap ipaunawa kapwa natin kamalian
kung kaya lihim pagkukulang nga ay pinupunan.

Hindi lang naman sa tagal ang pinag-uusapan
ang punto ay paano at ano ang pinagdaanan?
mayroong panahon kay hirap masumpungan
kaya't di maalis mag-isip na baka nakalimutan.

Mahilig nuon magsabihan ng kapwa suliranin
kung tutuusin kaya namang mag isang lutasin.
balikat ng isang kaibigan kay inam na taangan
wala mang maitulong bagkus ika'y sasamahan.

Kapag nagkatampuhan halos ay mag-takwilan
bibilang ng taon titikisin kapwa ay mag-iiwasan.
tadhana'y sadyang epal eksena'y papakialaman
konting kutos at sumbatan balik na ang samahan.

Mula ng tayo ay mamulat dito sa sangkatauhan
kaibigan sandamukal na palad ay nakadaupan
kababata,kaeskwela at kasamahan sa trabaho
ngunit daliri'y mabibilang ang kapanalig na totoo.

Datnan o panawan man mga katoto't kaibigan
nandirito umaasa pa rin kayo ay aantabayanan
nangangakong  ngayon at magpakailanman
ating pagkakaibiga'y hinding-hindi kalilimutan.





Saturday, January 12, 2013

" Wapakels? "

Kung ako ba ay mag-sabi na bakit ganun?
napansin ko kasi ang gawang di naaayon
kapag sinabi ko na kayo ay puro ganyan
dahil nakikita ko ang inyong mga kahinaan.

Ako ay pumupuna dahil nais kong ihulagpos
mga maling nakagawian na inyong niyayapos
kundangan kasi masyado kayong maramdamin
para kayong mga paslit na ubod ng pagkaiyakin.

Hindi ko sadya masaling inyong mga pinirito
hangad ko lang tunawi'y mantika ng prinsipyo
sobra ng walang bahala mga Walang Pakialam
baka ka magising katawan mo na ay nilalanggam.

Huwag sanang damdamin o mamasamain
ang tagal mo ng nguya subukan mo ng lunukin
nais mo raw marinig ang tunog ng batingaw
ngunit nasaan ka na ba tila ikaw ay naliligaw?

Bakit pag may tumahol agad niyong sinisita
suriin  muna sana ang taghoy na ibinibida
isang pares na tenga'y ano nga bang silbi?
kung papakinggan lang ay ang isang tabi.

Bangkuang niyo nuon huwag ng ipangalandakan
wala namang kumokontra wag ng magpagalingan.
yamang lahat tayo nais ay maayos na kapaligiran
walang imposible kung lahat ay makikipagtulungan.

Magkabilang dulo ay atin ng  pag-dugtungin
baluktot na katuwiran unti-unting diretsuhin
isiping tayo ay nakasakay sa iisang bangka
kailangan parehas timbang ang magkabila.

Kumabig mang pakaliwa o kaya ay pakanan
ang mahalaga isa lang nais nating tunguhan
iwasang magtulakan sa ating pag-babaybay
pairalin ang gintong aral  sa ating mga buhay.






Friday, January 4, 2013

" Ligaw Na Bala "

Nakakapangamba ang mga nangyayari
gawain ng dyablo tila ngayo'y naghahari.
buhay ng tao walang habas kung kitilan
dimonyo ay laganap na sating kapaligiran.

Walang muwang na paslit buhay nautas
dahil sa kahangalan nitong mga hudas.
mga taong pulpol daliri'y hayok sa gatilyo
multuhin sana kayo ng mga napuksa niyo.

Maraming dahil sa yabang at kahibangan
baril ay ginagawa ng palamuti sa katawan.
dagdag pa ang pagkalulung sa alak at bato
namamaril, papasok pinto ma'y nakakandado.

Ilang pulis at sundalo minsa'y naghahari-harian
sa mga balwarte nila sila ang makapangyarihan.
ano ba ang laban ng isang inosenteng mamayan?
sa mga taong may ari ng armas ng kamatayan.

Kailan kaya magwawakas o hindi na nga ba?
buhay na magbubuwis dahil sa ligaw na bala.
marami ng pamilya ang napinsala at naulila
pangarap na sinunog ng nag aapoy na tingga.

Bato-bato sa langit mga balang inihagis
dinggin ninyo ang aming pag-hihinagpis
buhay na nakitil dahil sa inyong kapalaluan
balikwas ng karma ay inyong antabayanan.