Tawag sa mga taong napag-lalangan
naisahan, nagulangan ng di nalalaman
umaasang may kaagapay, masasandalan
ngangang iniwanan ng pinagkakatiwalaan.
Silang bukambibig ay pagkamakabayan
aralin sana muna ang lahing pinagmulan
panay ang himutok ng walang kadahilanan
ugat lang maging tanyag kanilang pangalan.
Sinasabing ipaglalaban bawat karapatan
silang mga puno una pang lumapastangan
nahumaling sa yaman na hindi pinaghirapan
kaya gagawin ang lahat upang mapangalagaan.
Nakagisnang karunungan di na nadagdagan
bagkus niyayakap mga gawing kinamulatan.
ano nga bang silbi ng mga pagbabago?
kung laging sinusundan ay ang mga anino.
Kalayaang mithi kay daming buhay nakitil
naiwang nakinabang naman ay mga inutil.
Maharlikang lahi 'gang ngayon ay nakagapos
sa pagkabanyaga nawa ay makahulagpos.
Magkabilang dulo sadya ngang di mag-aabot
mga prinsipyong nabalutan ng inggit at poot.
lipi ng mga alila patuloy pa ring babansagan
hangat dala ay ngalan ng haring hindi kababayan.
No comments:
Post a Comment