Nakakasulasok na amoy ilong ay takpan
kapag ika'y napadaan sa may tambakan.
bakit naman kasi sa lugar namin inilagay
nakolektang basura ng aming baranggay.
Sa umaga kahit nakapagmumog ka na
pakiwari ay mabaho pa rin ang hininga.
amoy tulok ang hangin na malalanghap
mikrobyo'y magdamag kagabi lumaganap.
Marahil sa ngayon wala pang tumatalak
karamihan kasi dito ay mga kamag-anak.
mga multong binibiyayaan ng pamunuan
akinse't katapusan timawang inaambunan.
Marami ng nabago buhat ng manungkulan
binago ayon sa pansariling mga kagustuhan.
merong ilang basahan na walang pakinabang
nangangarap sa susunod makopo ang upuan.
Manibela ay hindi hawak ng nagmamaneho
umaasa lang sa kumpas ng kanyang maestro.
ilang taon ng nakaupo alam lang ay tumango
kilos ay di susi at napapalakad ng nakatungo.
Kung tutuusin wala naman silang pinagkaiba
sa amoy ng basura na ating pino-problema.
trapong laging gamit sa susunod ating palitan
upang dumi ay mapalis at mahawan ng tuluyan.
No comments:
Post a Comment