Friday, November 9, 2012

" Basura "

Nakakasulasok na amoy ilong ay takpan
kapag ika'y napadaan sa may tambakan.
bakit naman kasi sa lugar namin inilagay
nakolektang basura ng aming baranggay.

Sa umaga kahit nakapagmumog ka na
pakiwari ay mabaho pa rin ang hininga.
amoy tulok ang hangin na malalanghap
mikrobyo'y magdamag kagabi lumaganap.

Marahil sa ngayon wala pang tumatalak
karamihan kasi dito ay mga kamag-anak.
mga multong binibiyayaan ng pamunuan
akinse't katapusan timawang inaambunan.

Marami ng nabago buhat ng manungkulan
binago ayon sa pansariling mga kagustuhan.
merong ilang basahan na walang pakinabang
nangangarap sa susunod makopo ang upuan.

Manibela ay hindi hawak ng nagmamaneho
umaasa lang sa kumpas ng kanyang maestro.
ilang taon ng nakaupo alam lang ay tumango
kilos ay di susi at napapalakad ng nakatungo.

Kung tutuusin wala naman silang pinagkaiba
sa amoy ng basura na ating pino-problema.
trapong laging gamit sa susunod ating palitan
upang dumi ay mapalis at mahawan ng tuluyan.

"Pansamantagal "

Sakbibi ng lungkot ang nararamdaman
tuwing sasapit araw ng kapaskuhan
kay tagal na rin hindi ko nararanasan
palagi na lang sa laot ako inaabutan.

Tulad ngayon ako ay payao na naman
walang magagawa, walang pagpipilian.
tugtuging pamasko nga ay naririnig na

babaunin ko na lang masasayang alaala.

Puno ng inggit sa mga taong natatanaw
aking pakiramdam mundo'y magugunaw.
mabuti pa sila sa darating na bisperas
tropa'y tiyak lasing na pag ganung oras.

Mag-iina ko ay pangarap na makasama
matutupad lang pag 'di na uso ang pera.
kaya Pansamantagal ako'y dirito muna
kapalit naman lagi ay paskong masagana.

Kung pwedeng dumito na lang kahit wala
ngunit pamilya ko naman ay magdaralita.
mas nanaisin ko pang lagi ang mawalay
mabigyan ko lang sila ng magandang buhay.

Hanggat kaya ng katawan patuloy magtanas
bagong bayani naman tawag sa'min sa Pilipinas
ang masaklap nga lang nito kasabay ng asenso
kapalit naman ay walang humpay na sakripisyo.

Wednesday, November 7, 2012

" Nganga "

Tawag sa mga taong napag-lalangan
naisahan, nagulangan ng di nalalaman
umaasang may kaagapay, masasandalan
ngangang iniwanan ng pinagkakatiwalaan.

Silang bukambibig ay pagkamakabayan
aralin sana muna ang lahing pinagmulan
panay ang himutok ng walang kadahilanan
ugat lang maging tanyag kanilang pangalan.

Sinasabing ipaglalaban bawat karapatan
silang mga puno una pang lumapastangan
nahumaling sa yaman na hindi pinaghirapan
kaya gagawin ang lahat upang mapangalagaan.

Nakagisnang karunungan di na nadagdagan
bagkus niyayakap mga gawing kinamulatan.
ano nga bang silbi ng mga pagbabago?
kung laging sinusundan ay ang mga anino.

Kalayaang mithi kay daming buhay nakitil
naiwang nakinabang naman ay mga inutil.
Maharlikang lahi 'gang ngayon ay nakagapos
sa pagkabanyaga nawa ay makahulagpos.

Magkabilang dulo sadya ngang di mag-aabot
mga prinsipyong nabalutan ng inggit at poot.
lipi ng mga alila patuloy pa ring  babansagan
hangat dala ay ngalan ng haring hindi kababayan.






Monday, November 5, 2012

" Alingawngaw "

Paratang at panlilibak na inihagis
babaldig pabalik ng walang daplis
masasakit na salitang hindi makain
kamukat-mukat mo iyo rin lulunukin.

Mapagbilang ka ng mga pagkukulang
ugali mo nama'y nuknukan ng gulang
basurang tinago na lihim tinatapon
isa-isang sa mukha bubulaga't titilapon.

Nakita mo ang puwing sa mata ng iba
di mo napansin kulaba ika'y meron na
humusgang akala mo ay walang tangan
upang sariling kasiraan nga'y mapagtakpan.

Sunong-sunong bilao ng pang-uuyam
sa buhay ng iba sumasawsaw,nakikialam
galing magmanipula ng mga kasinungalingan
kahit sariling katauhan ay iyong pinagtataksilan.

Kay lakas nga ng iyong mga isinisigaw
kakayanig kabingi na parang batingaw
katotohanang tinabingan upang mailigaw
bandang huli aalingawngaw kusang lilitaw.

Nasabi ng anumang itanim iyong aanihin
sariling dungis muna bago sa iba ay linisin
napalang mabuti ng iba ay huwag kaingitan
magsikap ng husto kung nais din makamtan.

Thursday, November 1, 2012

" Tongits "

Katatapos lang sa magdamag na pasada
balak ko maghapong humilata sa kama
aking asawa nagpaalam may pupuntahan
anak kong bunso at bahay daw ay bantayan.

Matapos ako at si bunso makapanaghalian
ginigiyang naisipan magtungo sa tongitan
tamang-tama kulang pa ng isang manlalaro
sa kabilang lamesa ako'y lumapit at naupo.

Medyo maganda ang aking mga kartada
dalawang sultada puhunan ko'y lumago na
nang may biglang sumigaw at nagkagulo
ako'y natulala dina nakatayo sa pagkaupo,

Mga parak na naka sibilyan ako'y kinabahan
ako at mga manlalaro isa-isa ng kinakapkapan
dalawa sa kasama parapernalya'y nakuhanan
sila pala talaga ang kanilang minamanmanan.

Matagal na pala silang mga nakaantabay
dadakpin tulak ng bato sa aming barangay
sabagay talaga namang nakaka-perwisyo
dati'y wala na ngunit nagbabalik usong bisyo.

Sa kasamaang palad o pagiging pasaway
sa misis dinakinig sa nadakip ako ay tangay
magsisi man huli na wala ng magagawa
ako'y dito na titikim ng humimas ng selda.

Mabuti na lang at si misis ay may kakilala
kaso ay hinimas ngunit may isang problema
ako'y dipa maaaring makalabas ng selda
dahil undas at sa lunes pa ang opisina.

Kapalaran talaga kapag ikaw ay biniro
matatawa ka na lang ng hindi mo piho
kundangan kasi dapat ay nagpapahinga
sa asar ng asawa nabatukan at namura.