Thursday, September 26, 2013

" Guni-guni "

Kay sarap damhin ng sariwang hangin
ang hampas ng alon sa may baybayin,
hating-gabi na antok hindi pa maapuhap
marahil lango sa kapayapaang nalalasap.

Mga bituwin sa langit animo alitaptap
diwa'y nilalaro tinatangay sa alapaap,
paligid anong tiim walang namamasid
matang namamanglaw nais ng puminid.

Ang sinag ng buwan sa dagat nakapukol
wari'y nakamasid sa mahal nyang sanggol,
sa sandaling iyon ay mistula akong paslit
suliranin at kahungkagan tila ay nawaglit.

Pag-kahimbing ay hindi ko na namalayan
uri ng tulog na nuon ko lamang naranasan,
sanlaksang pag-asa aking napanaginipan
kapayapaa't kaginhawaan ng ating bayan.

Nagkakaunawaan ang bawat mamamayan
problema'y pinaguusapan at sinusulusyunan,
pagmamalasakit sa kapwa na walang kapalit
pagmamahala't kapatawaran ay sumasagitsit.

Biglang nag-apoy pakiramdam ko'y nagliyab
sinag ng araw sa bintana sa mata'y humukab,
naghihinayang bumangon na pungas-pungas
guni-guning imahen sambit sana ay mamalas.

Tuesday, September 24, 2013

" Panakip-butas "

Tama ba namang huwag ng pasiputin?
bida sa kaso sa korte ayaw paratingin,
dahil ilan sa uusig na mga mahestrado
pangalan ay  sabit  sa nasabing akusado.

Sumuko nga at ngayoy nasa kulungan
ngunit tila wala naman balak kasuhan,
sari;saring argumento ang ipinalalabas
mga pagmamani-obra ng ilang pantas.

Kundangan kasi meron na ngang kumite
bakit ang ombudsman tila ay nanunurete,
hahawak sa imbestigasyon ay sino nga ba?
sa kupad ninyo mga kasabwat tumakas na.

Taktikang anung husay na sadyang-sadya
mga rebeldeng kuno'y biglang nang gyera,
bayarang bandido misyo'y maghasik ng gulo
nang balita nga ay malihis at maibaling dito.

Kawawang mga kababayan duon sa probinsya
nadamay sa gulong pakana ng pera at pulitika,
mga pasimuno hayun ang mga lintek nakaprente
kunway papagitan kamukat tatakbong presidente.

Hayan pa at tila nababanas na ang kalikasan
habagat palang lubog na sa baha ang bayan,
daming naitala natapos ,nagawang mga daan
subalit multo lamang na maraming pinayaman.

Ang utak ng anomalya ngayon nga ay isinasakdal
ngunit parang telenobela sankatutak ang komersyal,
usad pagong ang pagdinig sa saksi at mga ebidensya
malamang abutin na naman tayo ng susunod na sona.










Monday, September 16, 2013

" Kwarentaydos "

Pang-apatnaput dalawang taong kaarawan
dating patpatin ngayo'y bolang nahanginan,
bakas nga minsan naiiling pag nananalamin
kulay alipatong buhok ay mayroon ng abuhin.

Panaho'y 'dinamalay sa sobrang pagka-abala
kahapo'y tila almusal ngayo'y tanghalian na,
dami ng nalilimutan kahit kapangyayari palang
buti na lang nakatala araw ng aking pagsilang.

Maging pintor nais nuong ako'y paslit
maipinta anyo ng buwan na sakdal rikit,
nais rin makapag suot ng isang itim na abito
isang Pari na nagtataboy ng multo at demonyo.

Laruang Voltes Five 'di ko man lang nahipo
kababata kong mayroon maglaro ay patago,
mapanood man sa T.V. sa bintana o pintuan
kababata kong kay damot kami ay sasarhan.

Nabato ni Mam ng ereyser nung ako'y Grade Two
dahil dinakikinig nakikipagdaldalan sa katabi ko,
Grade Six inuntog ni Sir sa pisara ng kami'y abutan
nahuling nag-babatuhan habang nag-sisigawan.

Binasted ng unang nililigawan noong hayskul
kundangan kasi taghiyawat ko ay bukol-bukol,
hindi nakapagpa-piktyur nung kami'y magtapos
gupit ko kasi ay kaysagwa na parang natipos.

Ilang beses umibig meron din naman napasagot
ngunit dinagtatagal sa akin yata ay nababagot,
hanggang sa nakilala ang akin ngayong Esposa
awa ng Diyos dose taon na kaming nagsasama.

Dalawang supling marikit na ubod ng lambing
bahay laging makalat parang binagyo ni Huling,
nakaraang pasko kami'y nagno Noche Buena
wala sa loob nahiling anak sana'y makaisa pa.

Ako ay nagdilang anghel bulong nga ay nangyari
heto't amin inaantay paglabas ng bagong beybi,
salamat Diyos ko sa ipinagkaloob mong buhay
sa lahat ng biyaya at matiwasay na pamumuhay.

Nawa'y pagpalain pa sampu ng aking pamilya
maayos na kalusugan at malayo sa disgrasya,
paa ko ay hahakbang sa panibagong bukas
papuri ay sa iyo ngayon at hanggang wakas.

Thursday, September 12, 2013

" Dibersyon "

Nahuli na at lahat ay hindi pa rin makasuhan
anong sistema meron ang ating tinalampakan,
imbestigasyon ay wala na naman patutunguhan
parang napanood ko na resultang kalalabasan.

Busawang mga baboy at buwakaw na buwaya
kasabwat ng salarin ngayo'y may mga amnesya,
parang mga ponsyo pilatong naghuhugas kamay
sa naganap na kurakutan wala daw silang malay.

Halos isang linggo na mula ng kusang sumuko
ano na ba ang ikinaso sa nasabing akusado?
kumpara sa mga yagit na magnanakaw na nahuli
bago makarating sa presinto dadanas na ng gulpi.

Sari-saring mga balita bigla ang nag salimbayan
isyung sapantaha ko'y upang malihis ang usapan,
paglabas ng kalaswaan ng sikat na komedyante
sinundan ng pagaalboroto kuno ng mga rebelde.

Uso na naman ang martsa bariles ipinoprotesta
pagkatapos sa bagumbayan itutuloy daw sa edsa,
mga artista at politiko syempre pupunta at dadalo
mga eletista sa mahihirap kunyari ay makikihalubilo.

Sisigawan na naman ng huwag matakot makibaka
magbuhol buhol ang trapik at magkakalat sa kalsada,
ilang ulit na ba ang ganitong pagtitpon at kaganapan
inaaapakan sa susunod sila na ang maghahari-harian.

Patuloy ang pagsadsad ng halaga ng ating piso
dolyares ng bansa'y tangay na yata ng mga bandido.
mga propesyunal dadagdagan na daw ang buwis
sinong magpapasan kundi ang mga anak pawis.

Patuloy na magdadanas ng hirap ang Pilipinas
habang andyaan ang talipandas na mga pantas.
sakali man itong moro-moro'y walang kahinatnan
Diyos na magpapanagot sa kanilang kagahaman.

Friday, September 6, 2013

" Aking Hirang "

Oh Aking Hirang baranggay kong dinarangal
umunlad at umayos ang aking laging dinarasal.
Muli ay kaming maghahalal ng mga kinatawan
mailuklok nawa namin ay matitinong kababayan.

Mangyari po sana huwag ng maibalik sa trono
mga talipandas at tiwaling inugatang kandidato.
Ngunit kamag-anak at kakilala nila ay kay dami
napupurbetsuhan,naaambunan ng kanilang ani.

Magliwanag sana ang naguguluhiminang isipan
mapagmuni-muni kung sinong tunay na maaasahan.
Maglubay na tayo sa nakasanayan at nakagisnan
pairalin na ang tamang pagpili ng manunungkulan.

Sawa na sa kapapakinig ng matatamis na pangako
talumpating kinabisado mula pa nung unang termino.
Garapal kung maglustay ng pondo ang mga unggoy
humigit-kumulang matagal na tayong dinedenggoy.

Ilang taon gawa ay manguyakoy at mangalumbaba
nganga sa mga isyu at pangangailangan ng madla.
Tagapagligkod ng bayan na laging nasa lamyerdahan
sangkot pa ang ilan sa bisyong ngayo'y kinagigiliwan.

Nakakapang hinayang ang mga taon na napaparam
kawaning pinagkakatiwalaan sahod lang ang inaasam.
Pagtupad ng mga tungkulin tila wala sa mga bokabularyo
puntirya'y laging manalo upang tuloy-tuloy ang kapritso.

Oh Aking Hirang hangad namin ay isang pamayanan
mga matitinong mamumuno na kami ay paglilingkuran.
Bawat isa nawa'y gamitin sa pagboto ang puso at isipan
karapat-dapat ay ihalal huwag ang mga lumang basahan.