Pansamantalang panulat ay isinantabi
namahingang saglit ngunit 'di mapakali
Balintataw ko kasi ay biglang umapaw
bagay-bagay sa isipan ay nagsidungaw.
Ngunit ako'y napatda ng ako'y magsimula
sanlaksang paksa ano't biglang nangawala.
sinibukang utayin nagsalimbayan sa isipan
mga gunitang paksa laman ay katanungan?
Sadyang nakakabwiset ang kanilang binubusa
malinis daw at wala anuman silang naibubulsa.
nais daw nilang linisin ang mga pinaghaharian
panong mahahawan nakaharang sila sa daan?
Nagbubulagbulagan o may kulabang taglay
tengang kawali nga silang mga nakaantabay.
kundangan kasi kahit lumalabag na sa batas
padrinong pantas saklolo ng mga talipandas.
Garapalang pandarambong ng mga damuho
lalo pang pinag-iigting ng kanilang mga anito.
kapartido,kamag-anak,kumpare't mga kaibigan
taga suportang kasabwat sa mga katiwaliaan.
Pinangangalandakan pagbabago at kaunlaran
bakit tila ang mahihirap ay hindi ito maramdaman.
mga suwapang na kapitalista lamang nabibiyayaan
mangagawa'y hilahod sa barya-baryang kabuhayan.
Patuloy lang yumayaman ang mga mayayaman
habang maralita'y daus-os sa balon ng kahirapan.
mga pantas na gutom sa kabang yaman ng bayan
kailan mabubusog at pag-nanakaw ay lulubayan?