Perlas ng silangan umakit sa mga dayuhan
imbes na alayan bagkus ay nilapastangan
kariktan ay sinimsim pagkadaka'y inalipin
magpahanggang ngayo'y dinaranas pa rin.
Ilang beses nadumihan papalit-palit ng damit
ngunit ang ibinihis may mantsa ng nakakapit.
anak dalita mulagat tulala na nakasalampak
hindi na dayuhan sarili ng kalahi ang umaapak.
Maraming ng mga batas nais nilang palitan
upang pangalagaan pansariling kapakanan.
pangalang may dagdag akala mo sila pantas
balaking maiitim animo kanser walang lunas.
Makaahon pa ba tanong na tila pangarap ?
sa kumunoy ay lunod at sisinghap singhap.
kalbaryong kay tagal na nating pasan-pasan
wala ng sumasakop ngunit kalayaa'y nasaan?
Habang buhay lahing Indyo itatawag itatatak
hanggat may gahama't sakim na mga balak.
lalaboy sa lansangan mga walang masilungan
panglaman sa tiyan bubungkalin sa basurahan.
Sawa na ang bayan sa pangakong pagbabago
HARANAng maririnig sa labi ng mga kandidato.
hahabi na naman sila ng mga kasinungalingan
perang ipamimigay galing sa buwis ng bawat Juan.
" O maliwanag na buwan bayan ay tanglawan
mamamayan ay magluluklok aasa na naman."
ginhawang asam Inang Bayan ma'y pagkaitan
pag-ibig sa kanya'y huwag namang pagdamutan.